Kathryn, umaming naghahanda na sila ni daniel sa kasal
Nagbigay ng reaksyon si Kathryn Bernardo tungkol sa naging pahayag ni Daniel Padilla kamakailan tungkol sa planong pagpapakasal ng magkasintahan. Dalawampu’t limang taong gulang na ngayon ang aktor at ang dalaga naman ay 24 na taong gulang. Mahigit walong taon nang magkarelasyon sina Kathryn at Daniel kaya posibleng mangyari ang pinapangarap na beach wedding bago tumuntong ng tatlumpung taong gulang ang dalawa. “Yeah! Iyon naman talaga ‘yung deal namin. May ilang panahon pa kami before we turn thirty. Actually iyon naman talaga ‘yung plan, of course, agree. Napag-uusapan naman namin ni DJ. I think nasa tamang age na kami para i-ready ang mga sarili namin ‘pag dumating sa punto na ‘yon,” pagtatapat ni Kathryn.
Bukod sa kabi-kabilang mga proyekto bilang artista ay mayroon na ring kanya-kanyang negosyo ang magkasintahan. Puspusan ang ginagawang pag-iipon nina Kathryn at Daniel para sa kanilang magiging pamilya. “Iyon ‘yung dahilan kung bakit kami nagtatrabaho. Lahat ng kailangan i-ready kasi malaking step ‘yon. pagdating doon at least ready na kami, and relax na lang,” dagdag pa ng aktres.
Kapag natuloy na ang pinakaaabangang kasalan ay gusto na rin kaagad umanong magkaroon ng anak ni Daniel. “Siya ‘yung magbubuntis,” natatawang reaksyon rekasyon naman ni Kathryn.
Zaijian, inspired sa non-showbiz gf
Masaya ang relasyon ni Zaijian Jaranilla at ang kanyang non-showbiz girlfriend. Labingsiyam na taong gulang na ngayon ang aktor at nagsisilbing inspirasyon umano ang nobya sa lahat ng kanyang mga ginagawa. “One year and one month na po kami. Sobra po, nakakatulong po siya sa akin. Parang inspired ako sa araw-araw. Kapag gumigising ako tapos alam ko na may nagmamahal sa akin. Tapos may naghihintay sa akin,” pagbabahagi ni Zaijian.
Samantala, magbibida ang aktor sa pelikulang Boyette Not A Girl, Yet mula sa Star Cinema. Hindi nakapag-workshop si Zaijian upang paghandaan ang kanyang gay role para sa bagong proyekto.
Aminado ang binatilyo na medyo nahirapan siyang gampanan ang karakter ni Boyette. “Tungkol po siya sa coming of age. Noong una po sobrang pressured po ako. Kasi ‘yung mga nagampanan kong gay role, young gay role lang po ako do’n pero ngayon binigyan po ako ng sarili kong movie. Sa una hindi madali kasi lalaki po ako, tapos gaganap akong bading. So medyo ang lalim po nang pinaghugutan ko. Pero tinutulungan ako ng mga direktor ko. At ‘yung set po namin halos puro gays po. So sinasabi nila na, ‘Oy! Medyo lalaki ka sa ganitong galaw, gawin mo ito.’ Parang binibigyan nila ako ng tips,” kwento ng aktor.
Kasama ni Zaijian sa naturang digital film sina Inigo Pascual, Maris Racal, Jairus Aquino at Dominic Ochoa. (Reports from JCC)
- Latest