^

PSN Showbiz

Relasyon ng sikat na aktor at popular na aktres, mas matagal ang panahon ng away

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kapag binabalikan pala ng isang pamosong male perso­nality ang kuwento ng kanilang pagmamahalan ng isang popular ding aktres ay tumatayo ang kanyang mga balahibo.

Wala siyang sinasabi, hindi niya siniraan ang female personality nang magkahiwalay sila, sinarili lang niya ang lahat ng kanyang pinagdaanan.

Pero alam ‘yun ng kanyang mga kadugo, ng mga taong malapit sa kanya, salamat daw at nakawala na rin sa hawla ang male personality.

Kuwento ng isang source, “Hindi mo naman kasi maaasahan si ____(pangalan ng pamosong male personality) na magkuwento. Sa lahat ng nakarelasyon niya, e, wala naman tayong narinig na kahit ano mula sa kanya.

“Iniingatan niya ang girl, sinasarili lang niya ang mga pinagdaraanan niya, hanggang sa pumutok na siya,” unang kuwento ng aming impormante.

Kung tutuusin pala ay mas mahaba ang panahong pinagsaluhan nila na panay-panay ang kanilang away. Palagi silang nagkokontrahan tungkol sa maraming bagay-bagay.

Dagdag na komento ng aming source, “Practically, e, magkaiba kasi ang takbo ng utak nila. Maagang natutong mag-business ang guy, masinop siya sa pera, gusto rin naman niyang matutong magnegos­yo agad ang girl, pero hindi siya naging successful.

“Magkaiba ang priorities nila sa buhay. Walang hilig sa pagnenegosyo ang girl, subsob naman ang utak nu’ng male personality sa business. Paano nga sila magkakasundo?” napapai­ling na kuwento ng aming impormante.

Ang tanong ngayon ng marami ay paano na ang magiging relasyon ng female personality at ng kanyang bagong karelasyon? Nasa mundo rin ng pagnenegosyo ang lalaki, maengganyo kaya nitong mag-business ang aktres, kung saan nabigo ang male personality?

Kuwento uli ng source, “Hindi naman ‘yun lang ang hindi nila pinagkasunduan, may mas matitindi pa. Sabi nga ng mga close sa male personality, e, fair weather girlfriend lang daw ang girl!

“Kung kailan kasi siya kailangang-kailangan ng guy, e, du’n siya nagpakita ng hindi magandang ugali, du’n na pumutok ang guy, naghiwalay na ang mga labadang puti at de-color!

“’Yung male personality ang nakipaghiwalay sa girl,” paglilinaw ng aming impormante sa kanyang pagtatapos.

Ubos!

Trump, hinahamon naman ang siyensiya

Matinding leksiyon para sa mga pasaway nating kababayan ang kinauwian ni Pangulong Donald Trump ng Amerika. COVID-19 positive ang pasaway ring pangulo, ang kanyang misis na si Melania, pati ang maraming presidential staff sa White House.

Ginagamot sila ngayon sa Walter Reed Hospital, tinututukan pa hanggang ngayon kung sinu-sino ang nakasalamuha ng pa­ngulo nitong mga huling araw, kung kailan malapit na ang halalan ay saka pa siya kinapitan ng salot.

Hinamon ni Pangulong Trump ang siyensiya, ayaw niyang gumamit ng face mask dahil nahihirapan daw siyang huminga, ito ang kinauwian ng kanyang pagkontra sa mga health protocol.

Amerika pa naman ang nangunguna sa rami ng biktima ng coronavirus, pero ang mismong tagapamuno pa nila ang kumokontra sa nararapat, leksiyon ito sa mga pasaway sa buong mundo.

Ted nagkaroon ng oras sa mga anak

Totoo ang pahayag ng magaling na broadcaster na si Ted Failon na dumara­ting ang puntong gusto nating magbawas ng trabaho para mabigyan natin ng panahon ang ating pamilya.

Dahil sagad ang kanyang katawan sa pagtatrabaho nitong mga nakaraang dekada ay halos hindi na niya nasubaybayan ang paglaki ng kanyang mga anak na sina Kate at Karishma.

Ayaw na niyang mangyari ‘yun sa kanyang mga apo, ayaw niyang makita ang mga ito isang umaga na malalaki na pala, dahil bibihira lang silang nagkikita.

‘Yun ang dahilan kung bakit sa paglipat niya sa TV5 ay radyo lang ang kanyang tinanggap, ayaw na muna niyang magtelebisyon, para balanse ang kanyang panahon sa trabaho at sa kanyang pamilya.

Bukas nang umaga ay mapapakinggan na sa Radyo Singko (92.3 News FM) sina Ted at DJ Chacha, apat na oras silang sasahimpapawid, ang unang dalawang oras ay kasahog sa kanilang programa ang One PH Cignal Channel 1 at sa ikalawang buhos ay sa Radyo Singko na lang sila.

Matagal nang pangarap ni Ted Failon ang pagiging radio deejay ng FM, bahagi ng kanyang buhay ang musika, nauna siyang nasalang sa hard news pero ngayon ay matutupad na ang kanyang gusto.

Pagpitada nang alas sais nang umaga ay tutok na agad tayo sa Radyo Singko at One PH Cignal Channel 1, suportahan po natin ang programa nina Ted Failon at DJ Chacha, siguradong tapos na ang apat na oras ay maglalambing pa tayo ng ekstensiyon.

TED FAILON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with