Aktres, naiwan ng ka-loveteam dahil sa kasupladahan
Matagal nang umiikot at nagpapalipat-lipat ng mga bibig at tenga ang kuwento tungkol sa kamalditahan-kasupladahan ng isang pamosong female personality.
Hindi siya taal na taga-showbiz, sinuwerte lang siyang sumikat dahil sa kanyang kakaibang atake, niyakap ng publiko ang kanyang talento.
Sa maraming pagkakataon ay lumutang ang kanyang kamalditahan, nakakatawa siya sa harap ng mga camera pero nakaiinis sa personal, ganu’n ang paglalarawan sa kanya ng mas nakararami.
May bagong kuwento tungkol sa kilalang female personality, ang sabi ng aming source, “Naging pasahero siya ng isang friend kong stewardess.
“Magkasama silang bumiyahe ng boyfriend niyang artista rin. Pagpasok pa lang niya sa plane, e, nakasimangot na siya. As in, para siyang nakakaamoy ng kung anong mabaho, e, pagkabangu-bango ng plane!
“All the time, e, nakasimangot lang siya, napakalayo sa image niya na nakakaaliw sa harap ng mga camera. Sino ang lalapit sa kanya para makipag-selfie kung ganu’n ang itsura niya?” unang kuwento ng aming impormante.
Kabaligtaran naman ng kilalang female personality ang kanyang karelasyong aktor. Ayon sa kaibigan ng aming source ay napakamarespeto nito, maganda ang PR, hindi suplado.
Patuloy ng aming source, “Mabuti na lang at very nice ang boyfriend niya, parang siya na lang ang bumabawi para sa kamalditahan ng girlfriend niya!
“May mga lumalapit sa kanya para makipag-selfie, okey na okey siya. Tumatayo pa nga siya, umaakbay sa pasahero. Maganda ang ugali niya, walang kaere-ere!
“Kumustahin naman natin ang girlfriend niya? Hindi siya natutulog, nakatingin lang siya sa bintana, nakasimangot pa rin!
“Walang pagbabago ang itsura niya, para siyang replay ng isang show, talagang napaka-consistent niya sa kasisimangot! Sabi nga ng isang pasahero, kund dati raw, e, gustung-gusto niyang pinanonood ang girl, nu’ng makita niya ang ugali, e, bumitiw na siya!
“Nakakaloka ang babaeng ‘yun, hindi niya naiintindihan ang mundong pinasok niya! Nag-arti-artista siya, e, hindi naman pala siya handang gawin ang pakikisalamuha sa publiko!
“Ayan tuloy, napag-iiwanan na siya ng ka-loveteam niya! Waley na siya, sa totoo lang!” naiinis pa ring pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Jinkee, malaki ang gastos sa mga halaman
Natural lang na dahil sa paglalantad ni Jinkee Pacquiao ng mga halamang meron siya bilang plantita ay kaliwa’t kanang pamba-bash na naman ang naging gantimpala niya.
Parang kuwento lang ‘yun ng mga branded stuff niya na inilabas ni Ginang Pacquiao nu’ng kasagsagan ng pandemya. Nilatayan talaga siya hindi lang ng mga bashers, maging ang mga kababayan natin ay hindi sumang-ayon sa kanya, dahil maling-mali ang kanyang tiyempo.
Heto na naman. Ang pinakamurang halamang meron ngayon ang plantitang si Jinkee ay beinte mil daw ang halaga. Merong daang libo ang presyo na malalaki na at talaga namang mayayabong at magaganda.
May nanumbat sa kanya sa social media, “Pati ba naman sa mga halaman, ikaw pa rin ang bumibida? Sige, ikaw na! Wala nang iba! Ikaw na talaga!”
Maraming nagkokomento na pandemya lang pala ang babasag sa mataas na pader na nakapagitan sa mayaman at sa mahirap. May pera ka man ngayon ay hindi rin masyadong napapakinabangan dahil maraming ipinagbabawal ang DOH.
Pero nang umeksena ang mga alagang halaman ni Mrs. Pacquiao ay nabuhay na naman ang isyu sa pagitan ng mayaman at mahirap. Sana raw ay sinarili na lang ng misis ng senador ang kung anumang mga halamang meron siya dahil nga sa pandemya.
Maganda ang intensiyon ni Jinkee. Sa panahong ito ay magandang libangan ang paghahalaman. Kesa sa maburyong tayo dahil sa pandemya ay napakagandang pagtuunan ng pansin ang paghahalaman.
Pero hindi kasi ‘yun ang nakikita ng mga kababayan natin. Ang pinansin nila ay ang halaga ng mga binili niyang halaman na kayamanan nang maituturing ngayon ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho at isasaing na bigas lang ay hinahanap pa kung saan nila kukunin.
Parang insulto ang dating sa kanila ng mga mamahaling halaman ni Jinkee, mali na naman ang tiyempo, dahil sobra-sobra ang paghihirap na nararamdaman ng buong bayan ngayon.
Malawak na pananaw ng aming kaibigang propesor, “It’s her IG account. She has the right to post anything she wants. But she should also be sensitive. Laganap ang paghihirap ngayon.
“Maraming nagugutom. Sana, she keeps it to herself na lang. Very sensitive ang lahat ngayon dahil sa pandemic. We should all be sensitive,” pahayag ni prop.
- Latest