Dennis, wish makatrabaho si Julia
Nasa pangangalaga na ngayon ng Viva Artists Agency si Julia Barretto na nagmula sa Star Magic. Masayang-masaya ang ama ng aktres na si Dennis Padilla dahil magkasama na sila sa naturang talent agency. Magtatatlong dekada na si Dennis sa Viva na naging dahilan ng kanyang kasikatan. “Happy ako, I’ve been a Viva Artist since 1991. My first 15 movies was with Viva. It was Viva who launched my career via Mandurugas, my first solo lead role na Viva produced. Happy ako na nasa Viva family na si Julia,” pahayag ni Dennis.
Malaki ang pasasalamat ng aktor kay Vic del Rosario ng Viva dahil sa pagtitiwala rin nito kay Julia. “I’m very thankful to Boss Vic, kasi parang tatay ko na rin si Boss Vic. So parang lolo na ni Julia ang mag-aalaga sa kanya with Tita June Rufino, and Veronique (del Rosario). Siyempre nagsarado ang ABS-CBN, so kailangan mo magtuloy nang paghahanap-buhay,” giit ng komedyante.
Madalas na gumaganap bilang isang ama si Dennis sa pelikula at telebisyon. Dahil magkasama na sa isang bakuran ngayon ay nangangarap ang aktor na magkasama rin sila ni Julia sa mga proyekto. “Dream ko ‘yon eh, halos lahat ng bidang babae naging anak ko na. Naging anak ko na si Toni Gonzaga, Sarah Geronimo, Erich Gonzales, Kathryn Bernardo. ‘Yung tunay na anak ko na lang ang hindi ko nagiging anak sa isang movie or isang teleserye. So dahil nasa Viva na kami pareho, the chances are bigger. Masaya ‘yon,” pagtatapos ng aktor.
Juliana, walang naipupundar
2018 nang koronahan bilang kauna-unahang Miss Q&A si Juliana Parizcova Segovia sa It’s Showtime. Mula noon ay nagtuluy-tuloy na ang pagsikat at kabi-kabilang proyekto ang ginawa ng komedyante.
Sobrang kalungkutan ang naramdam ni Juliana nang naipasara ng Kongreso ang ABS-CBN kamakailan dahil sa kawalan ng prangkisa ng Kapamilya network. “Ang hirap kasi parang pakiramdam ko ang bilis binawi. Parang tinapos ko na ‘yung pagiging beauty queen, don na ako sa next step na subukan ko naman ang acting, ang pagiging komedyante sa TV, sa pelikula pero bigla ring nawala. Nagka-anxiety ako. Ang dami ko pa sanang planong gawin kung natuluy-tuloy lang siya,” pagbabahagi ni Juliana.
Kahit nanalo ng isang milyong piso sa contest noon ay hindi pa umano nakapagpupundar ng sariling bahay o sasakyan ang komedyante. Ayon kay Juliana ay marami pa rin siyang pinaglalaanan na bayarin mula sa mga kinikita sa trabaho. “Akala nila kapag may one million ka na, talagang milyonaryung-milyonaryo ka na, na pwede ka nang bumili ng bahay. Tinatanong nila ako kung bakit wala akong sasakyan. Para sa akin lang, iba-iba naman tayo ng priority at prinsipyo. Kailangan ko ng sasakyan kasi hindi na siya luxury sa akin eh, kailangan talaga sa trabaho ko. Ang sa akin, paano ako kukuha ng isang hulugan kung meron pa akong hinuhulugan. Kasi siyempre naupa kami (ng bahay). Sabi ko parang ang bigat, okay pa naman akong mag-commute,” paliwanag ni Juliana. (Reports from JCC)
- Latest