Miss Universe Philippines, may bayad ang panonood kahit virtual lang
Malaking challenge pala talaga sa Miss Universe-Philippines organization itong gagawin nilang Miss Universe-Philippines 2020 na nakatakda ang finals sa October 25 at mapapanood sa GMA 7.
Nakausap namin sa DZRH ang Creative Director nilang si Jonas Gaffud nung nakaraang Biyernes ng gabi at sinabi niyang mahirap talaga ang gagawin nila dahil kailangan masunod ang mga ipinatupad na safety protocols and guidelines.
Malaking challenge rin daw talaga lalo na’t hindi naman sila mapapanood sa isang venue at walang audience.
Online lang sila at magkakaroon ng series of events doon ang 50 candidates na kasali.
Ngayong araw, September 27 ay mapapanood na ang events ng Miss Universe Philippines - seminars at training na pinagdaanan nila pati ang mga ginagawa nila sa kanilang lalawigan.
Kaya sa mga interesadong subaybayan ang kauna-unahang Miss Universe Philippines hanggang sa finals nito, puwede kayong mag-subscribe sa www.empire.ph at magbayad lamang ng 299 pesos na subscription para masaksihan n’yo ang lahat na activities ng mga kandidata hanggang sa finals nila.
Two weeks before the finals ay ila-lock in na ang mga candidate hanggang sa finals nito.
Dadaan sila sa swab test, pati ang nasa production at wala na silang ibang makakasalamuha pa sa labas.
Bahagi iyun ng mga safety protocols na kailangan nilang sundin, lalo na’t may mga health officers na nakatutok sa kanila.
“Inaayos pa namin ang kanilang pagbibiyahe, pero magkakaroon kami ng parang ‘bubble’ na kami-kami lang ang nandoon,”sabi pa ni Jonas.
Ibang-iba ito sa usual na beauty competitions na napapanood natin, dahil kailangan masunod ang social distancing during the competition.
At ‘yan ang ating aabangan.
Kantang diwa ng pasko, bubuhayin ngayong pandemya
Bukod sa kantang Christmas in Our Hearts na paborito tuwing Pasko, may bagong awiting Pamasko na ginawa ng Revival King na si Jojo Mendrez na kanyang ilu-launch.
Ito ‘yung awiting Diwa ng Pasko na masasabing 26 years in the making.
Kuwento sa amin ni Jojo, bandang 1994 nung nagsisimula pa lang siyang kumanta, iginawa raw siya ng kaibigan niyang composer na si Andrei Dioniso ng isang Christmas song dahil ni-request niya ito.
At ito na ngang Diwa ng Pasko na tandang-tanda pa niyang binili niya noon sa halagang five thousand pesos.
Inareglo raw ito ni Dionisio at sinamahan pa siyang i-record ito sa Greenhills Sounds Studio hanggang hindi na sila nagkita dahil naging abala naman daw siya sa launching ng first album niya sa Ivory Records.
Hindi rin daw niya makalimutang tinulungan pa siya ni Kuya Germs Moreno na i-launch ang album niya sa GMA Supershow.
Bandang 2014 daw ay nabungkal niya ang old files niya at doon nakita niya sa DAT file niya itong Diwa ng Pasko kaya pinahanap daw niya itong kaibigan niyang composer na si Andrei Dionisio. “Doon ko nalaman na wala na pala siya. Nabulag pala siya because of Diabetes at namatay. Sobrang lungkot ko nun, at nag-flashback sa akin ang mga masasayang memories namin nung ginawa namin itong Diwa ng Pasko,” malungkot na pahayag ni Jojo.
Sa music video na ginawa nila, kasama rito si Buknoy Glamurr na pinag-usapan dati sa social media dahil sa panlalait niya sa isang pedicab driver, ang bisayang vlogger na si Erika Embang na mahilig mang-alipusta ng mga kapitbahay, at si China Roces na pinag-usapan din ang pakikipaghiwalay sa kanyang asawang si Tim Sawyer.
Kagabi lang ini-launch ang music video nito kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan at bandang October na ito mapapakinggan sa Spotify at iTunes.
- Latest