Network na lilipatan ng matapang na newscaster, nagkakagulo!
Nagkaroon ng “bulabog factor” sa isang network dahil nakarating sa kanila ang impormasyon na lilipat na du’n ang isang pamosong newscaster.
Nakikipag-usap na raw kasi ang male news anchor sa mga tagapamuno ng kumpanya, pero hindi pa naman plantsado ang usapan, may mga inaayos pang detalye tungkol sa kanyang paglipat.
Natural, kapag ganu’n na may bagong personalidad na papasok sa istasyon ay magkakaroon ng mga pagbabago, may mababawasan ng oras sa pagpoprograma at ang pinakamasakit ay baka may matanggal pang show.
‘Yun ang usap-usapan ngayon. Malaki ang posibilidad na mapabilang na sa naturang network ang pamosong news anchor, malaking karagdagan siya sa kanyang lilipatan, dahil bukod sa matapang na siya ay may malakas pang karisma.
Abangan!
Hamonadong aktor, maldito sa mga nagpapa-picture
Pinatunayan ng isang grupong nakasabay sa flight ng isang kilalang male personality na may kaangasan talaga siya. Suplado raw ang lalaking personalidad.
Sa airport pa lang daw dito ay may lumapit na sa male personality na nagpaparetrato, pero hindi siya pumayag, pagdating na lang daw sa kanilang destinasyon na dose oras ang haba ng biyahe.
Siyempre, umasa naman ang kanyang pinangakuan na paglapag ng eroplano sa bansang pupuntahan nila ay okey na, wala nang problema sa pakikipag-selfie sa aktor.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng lumapag na ang plane, tuwang-tuwa pa naman ang kababayan natin, magkakaroon na siya ng picture na kasama ang male personality.
“Heto na. Nu’ng nasa carousel na sila para kunin ang mga bagahe nila, e, nilapitan ng girl ang male personality, ‘Puwede na akong magpa-picture sa iyo?”
“Ay, naloka ang girl? Tinitigan lang siya ng male personality, hindi siya sinagot, kaya inulit ng babae ang tanong. Pero wala pa ring sagot ang male personality, deadma lang!
“Nainis ang grupo sa aktor, talagang nagparinig sila! ‘Naku, tantanan mo na nga ang pagpapa-picture sa supladong ‘yan! Baka sa sobrang singkit ng mga mata niya, e, makakalimutin na siya!”
“Nakakaloka! Talagang pinaringgan nila ang male personality na matagal nang walang ginagawang project! Kundi pa raw siya hamonadong aktor, e, di lalo na!” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Sarah madaling makakalipat, gerald nangangapa rin sa dilim
Problemado talaga ngayon ang mga artista ng ABS-CBN. Walang katiyakan ang kanilang trabaho, iilan lang sa kanila ang nabibigyan ng proyekto, isang maliit na piraso lang ng karne kumbaga ang kanilang pinaghahati-hatian.
May trabaho man sila ay hindi na tulad nang dati ang kanilang talent fee, halos kalahati ang kaltas, na intindido naman ng mga artista dahil sa pagpapasarado sa kanilang network.
Maganda ang posisyon ni Sarah Geronimo, bukas ang pintuan ng GMA-7 at TV5 para sa singer-actress, depende na lang kay Boss Vic del Rosario kung saang network siya ibibigay.
Saang istasyon man magtrabaho si Sarah ay malaking kadagdagan siya, malawak at aktibo ang kanyang Popsters, matindi na rin ang napatunayan niya sa takilya.
Walang katalu-talo si Sarah, nakakatulog siya nang mahimbing habang kayakap si Matteo Guidicelli, may kapayapaan siya ng kalooban dahil alam niyang meron siyang maaasahan at pupuntahan.
Kapag nagkukuwentuhan nga raw sa phone ang mga artista ng ABS-CBN na walang trabaho ay hindi nila maiwasan ang magkaiyakan. Marami silang iniintindi.
May mga kumuha ng hulugang sasakyan dahil may buwanan naman silang kinikita sa network, puwede na nga namang ipangutang ‘yun, may naglakas-loob ding kumuha ng house and lot.
Pero sino nga ba ang mag-aakalang sa isang iglap ay ganito na ang sitwasyon ng ABS-CBN, wala man tayong nakikitang mga padlock ay ipinasarado ang network, matindi ang epekto siyempre nu’n sa kanilang mga nasasakupan.
Sino ang dadalawin ng antok kapag ganu’n ang sitwasyon? Lumolobo ang bills ng mga artista at empleyado na kailangang bayaran pero wala na silang buslong pagkukunan?
Lantad ang emosyon ni Gerald Anderson, wala na itong trabaho at sarado pa ang kanyang negosyong gym na malaki ang naitutulong sa kanya, nangangapa rin sa dilim ngayon ang aktor.
Suwerte ang mga nakapag-ipon, may nadudukot pa sila ngayon kahit walang pumapasok sa kanilang kaban, madilim naman ang mundo ngayon ng mga personalidad na hindi nakapaghanda para sa kanilang kinabukasan.
- Latest