Bantay Bata 163, hindi mawawala
MANILA, Philippines — Sa kabila pala ng pagsasara ng entertainment channels / radio stations (AM and FM) / ABS-CBN Films and Music sa buong Pilipinas dahil sa kawalan ng franchise at pandemya, tuloy naman operation ng ABS-CBN Foundation. Mananatili umanong bukas ang Hotline 163 ng Bantay Bata 163 para tumanggap ng mga sumbong ng mga kaso ng pang-aabuso, at para matulungan ang mga batang nangangailangan ng psycho-social support at psychological first-aid.
Ang Bantay Bata Children’s Village ay patuloy ngang kakalinga sa mga inabandonang bata at mga street children na nasa pangangalaga nila. Ipagpapatuloy din nila ang pagpapaaral ng mga iskolar ng Bantay Edukasyon ngayong taon.
Maging ang Bantay Kalikasan ay magpapatuloy din daw sa pagprotekta, pagkalinga at pangagasiwa ng La Mesa Watershed at La Mesa Ecopark. Ipagpapatuloy at tatapusin din nila ang mga proyektong nasimulan na para sa mga komunidad. Patuloy din nilang gagamitin ang mga digital platforms ng ABS-CBN Foundation para ipalaganap ang adbokasiya para sa kalikasan.
Samantala, ang Sagip Kapamilya ay ipagpapatuloy naman ang Pantawid ng Pag-ibig upang ayudahan pa rin ang mga hindi nakakapaghanapbuhay ngayong may pandemya. May 840,000 na pamilya o higit 4.2 milyong Pilipino na diumano ang nabigyan ng ayuda mula nang mag-umpisa ang proyekto.
Ayon sa pamunuan ng AFI, “Sa lahat ng aming mga partners at donors, lubos ang aming pagpapasalamat sa pagpapahalaga ninyo sa aming kawanggawa sa loob ng 31 taon. Magkasama tayong nakapagpabago ng buhay ng milyon-milyon nating mga kababayan.”
- Latest