Taping ng Probinsyano, wala nang atrasan!
Medyo nag-aalinlangang bumalik sa trabaho sa showbiz dahil sa kumakalat na balitang ibabalik ang NCR sa Enhanced Community Quarantine.
Kaya inaabangan ang public address ng ating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
As of presstime, tuloy pa rin ang taping ng Ang Probinsyano sa Miyerkules, June 17, pero dapat ay dumaan sa rapid test ang lahat na involved mula sa artista hanggang sa staff.
Pagkatapos ng kanilang rapid test ngayong araw ay pauuwiin muna ang mga artista para makapaghanda ng mga gamit nila. Pero ang production staff ay deretso na silang ila-lock-in sa isang hotel at doon na sila susunduin papunta sa location.
May sistema at organized talaga ang ginagawa nila para matiyak lang na safe ang lahat at walang mahawa habang nagti-taping sila.
Kapag nagawa ito nang maayos ng buong team ng Ang Probinsyano, iyun na rin daw ang sistemang susundin ng ilang producers na gusto nang bumalik sa shooting.
May ilang malalaking production outfit na ayaw munang magbakasakali dahil bukod sa magastos, napakalaki ng responsibilidad sa mga taong involved sa project.
Siyempre, kapag may isa lang na magkasakit diyan, responsibilidad na nila ang pagpapaospital at pag-monitor na rin sa lahat ng mga kasama. Kaya malaking sugal talaga itong pag-produce ng TV series, lalo na ang pelikula na hindi pa rin tiyak kung kailan magbubukas ang mga sinehan.
Showtime tinutukan
Tinutukan din ng karamihan ang pagbabalik ng It’s Showtime na napanood na sa Kapamilya Channel nung nakaraang Sabado kaya nag-trending din nung oras na iyun.
Talagang kinarir nila ang opening number na isa sa dance number ay ang pinasikat ni Kim Chiu na Bawal Lumabas (The Classroom Song).
Paglabas ni Vice Ganda na parang naka-catsuit at may malaking sombrero na may nakatakip sa mukha niya. Binuksan niya iyun at sabi niya, “Sino ang magsasabi na may pinagdaanan tayo sa itsura kong ito?” Isasara niya sana uli yung kurtina sa sombrero niya, pero binuksan niya uli. “Wag na! ‘Wag na! Bukas na nga tayo, isasara pa?!” tili ng Unkaboggable Star. “Masayang-masaya tayo. Walang pagsidlan ang mga puso natin. Ang saya! Inaantay natin ‘to!”
Samantala, ang Eat Bulaga naman ay ang sikat at nakakatuwang segment nilang Bawal Judgmental ang ipinantapat sa nagbabalik na Showtime.
Nung nag-open ang programa nina Vice Ganda, nagsimula namang mag-Bawal Judgmental sina Vic Sotto na nasa kanyang tahanan, at sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza at Alden Richards.
Si Pia Arcanghel ng GMA News ang naglaro at mga COVID-19 Survivors ang choices.
Lani pinasara ang mga bilyaran at computer shops
Kahit sa Bacoor, Cavite ay hindi pa masasabi ni Mayor Lani Mercado kung magluluwag na sila dahil nasa General Community Quarantine.
Nilinaw ng alkalde ng Bacoor na kahit nasa GCQ, hindi pa rin pinapayagan ang operasyon ng ilang negosyo.
Ipinag-utos niyang ipasara ang mga bilyaran sa Barangay Talaba 6 at kinumpiska ang mga kagamitan doon. Nahuli kasi sa akto na nag-ooperate ang mga bilyaran at may mga nagsusugal pa na kung saan nagpupustahan ang mga manlalaro.
Pati ang mga computer shops doon ay nahuli ring nagbukas na kung saan karamihan pang naglaro ay mga kabataan na hindi pa nagpi-face mask at hindi pina-practice ang physical distancing.
Sabi ni Mayor Lani, iyon ay tuwirang paglabag sa ipinapatupad na quarantine sa Bacoor. Nanawagan si Mayor Lani na kapag may lumalabag sa kautusan sa panahon ng GCQ, mag-text lamang sa 09339993072, 09989890868 at 09063778888.
- Latest