Anita Linda, haligi ng pelikulang Pinoy, pumanaw sa edad na 95
MANILA, Philippines — Binawian na ng buhay ang beterana at multi-awarded actress na si Anita Linda sa edad na 95-anyos, pagkukumpirma ng kanyang mga nakatrabaho.
Ayon kay direk Adolfo Alix, umaga nang Miyerkules nang mamayapa ang aktres, na isa sa pinakamatandang aktibo sa larangan ng Philippine showbiz industry.
"Kaninang umaga po, 6:15 a.m. eh pumanaw na si po si tita Alice, o si tita Anita Linda po sa mga nakakakilala sa kanya," sabi niya sa panayam ng dzBB.
"I think siya na po 'yung oldest working Filipino actor."
Bagama't nahirapang huminga sa kanyang mga huling sandali, sinasabing namatay dahil sa katandaan ang movie star.
Alice Buenaflor Lake sa totoong buhay, naulila ng aktres ang kanyang mga apo at dalawang anak na sina Fred at Francesca.
Magna-96 na sana siya ngayong ika-23 ng Nobyembre.
Huling umarte si Anita sa pelikulang "Circa," na napanood sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019, na dinirek din ni Adolfo.
Nakatrabaho niya sa nasabing pelikula si Enchong Dee, na umarte bilang kanyang apo sa palabas.
Dalawang beses na ring nanalo si Anita sa bilang "best supporting actress" ng FAMAS para sa mga pelikulang "Tatlo, Dalawa, Isa" at "Babae sa Bubungang Lata."
Nagwagi na rin siya bilang "best actress" para sa pelikulang "Lola" sa Gawad Urian at "best supporting actress" para sa "Takaw Tukso." Nasungkit din niya sa parehong patimpalak ang "Lifetime Achieve Award" noong taong 1982.
- Latest