SOCO ni Gus at Kuha Mo ni Ka Tunying, tuloy sa Facebook!
UKG, mission possible at iba pa, napapanood na online
MANILA, Philippines — Masigla at puno ng good vibes at aral ang bawat araw dahil nakakasama na ulit ng mga Pilipino ang UKG barkada at iba pang anchors ng ABS-CBN News and Current Affairs kabilang sina Julius Babao, Gus Abelgas, at Anthony Taberna.
Tulad ng TV Patrol, napapanood na rin sa Facebook ang kanilang mga palabas.
Sumama na uli sa masayang kwentuhan nina Anthony Taberna, Amy Perez, Jorge Carino, Winnie Cordero, Jeff Canoy, Ariel Ureta, Gretchen Ho, at Ariella Arida kasama ang iba pang UKG Barkada, Lunes hanggang Biyernes tuwing 7 am sa Facebook page ng Umagang Kay Ganda.
Mainit ang naging pagtanggap ng netizens sa UKG na humamig ng mahigit 345,000 views sa una nitong livestream.
Mapapanood na rin sa Facebook ang programang Mission Possible ni Julius Babao tuwing Biyernes ng 5:30 pm, kung saan ibibida ang mga kwento ng karaniwang Pilipinong lumalaban sa kabila ng hirap ng buhay. Sa unang livestream nito, ipinakilala si Tatay Erning Ofredo, isang construction worker na naglalakad ng anim na oras para sa trabaho noong panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ). Sa tulong ng programa, nabigyan siya ng bisikleta para hindi na mahirapan sa pagpasok habang nakatanggap din ang mag-iina niya ng suplay ng bigas, itlog, at iba pang pagkain.
Samantala, sa Facebook naman ng SOCO, tuloy ang pagharap ni Gus sa mga istorya ng krimen tulad ng paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ni Len Mark Hermosa at ang pag-iwas sa kapahamakan ng mag-anak na inakyat sa bahay ng isang construction worker na naipit sa kanilang lugar sa panahon ng quarantine. Tutukan ang bagong episode ng SOCO sa Facebook tuwing Sabado, at iba pang maiikling kwento tuwing Martes at Huwebes.
Ang Kuha Mo naman ni Ka Tunying, walang tigil pa rin sa paglalabas ng mga video at istorya na nakamamangha at puno ng pagmamalasakit tulad ng isang babaeng pulis na nagtitiis na hindi makasama ang anak dahil sa pagiging frontliner niya.
Mapapanood ang bagong episodes ng Kuha Mo tuwing Sabado, 5 pm, habang nagbabahagi rin ito ng iba pang video kada Linggo at Lunes.
Patuloy namang nagbabalita gabi-gabi sina Ted Failon, Bernadette Sembrano, at Noli De Castro sa TV Patrol, at sina Alvin Elchico at Zen Hernandez sa TV Patrol Weekend.
- Latest