NTC nanlinlang ayon kay Congressman Dan!
Wala pa man, nagbubunyi na ang karamihang Kapamilya stars sa pagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang October 31, 2020 sa pamamagitan House bill 6732 ni House Speaker Alan Peter Cayetano kasama ang lahat na mga nasa Kongreso under House Committee of the Whole.
Nakausap nga namin nung Miyerkules ng gabi sa aming radio program sa DZRH ang isa sa co-sponsors nito na si Cong. Dan Fernandez. Ipinaliwanag ng Representative ng 1st district ng Laguna ang proseso nito hanggang sa magiging batas. “Kanina, iba ang naging sistema natin. After ng reading ni Speaker ay kinonvert yung ating Congress into a Committee as a Whole.
“Ang ibig sabihin, dun na rin nangyari yung debate, dun na rin ang interpolation, dun na nangyari yung mga tanungan tungkol dun sa batas, at marami kanina ang nagtanong dun sa bill na na-file kanina through Zoom conference.
“May mga kasama tayo sa Kongreso na tinanong na tungkol sa batas. In other words, naaprubahan na yun sa ating second reading.
“So, by Monday we will be discussing the bill sa third and final reading. Pagkatapos nun, ipapadala namin yun sa Senado. So the Senate will have like 6 days to discuss about this franchise.
“After that, kapag naaprubahan nila, the same process na ginawa sa amin, ganundin ang ginawa nilang proseso.
“Then, this will be submitted to Malacañang for the signature of the President. Pag napirmahan na ng presidente yan, magiging isang ganap na batas na yan.”
Binibilisan nila ito para makarating hanggang sa Senado na inaasahan namang aaprubahan agad ng mga Senador.
Inaasahan ding pipirmahan ito ng ating Pangulo, para mabuksan muli ang Kapamilya network.
Habang in operation na muli ang ABS-CBN 2, doon na diringgin ang franchise renewal ng 25 years.
Pero ang isang nilinaw ni Cong. Fernandez ay ang ginawa raw ng National Telecommunications Commission na tingin nila nalinlang sila sa Kongreso. Saad ng Congressman ng 1st district ng Laguna; “Kung tutuusin, nagkaroon dito ng parang deception. Kasi we were made to believe, the last time nang magkaroon ng committee hearing… kaya nung nagsalita ako kanina as one of the sponsors nung bill, sinabi ko kanina sa NTC ‘yung sinabi niya under oath na magbibigay sila ng provisional na franchise.
“Kasi nga sa Kongreso, we’re very much preoccupied. ‘Yung mga bill na ginagawa namin for COVID Pandemic. Kasi nga we have to prioritize the needs of our people by giving them laws that will equip the executive to fight the COVID Pandemic.
“At nandun ang NTC bago kami nag-adjourn.
“Ang napag-usapan sa hearing, okay, mag-issue muna ng provisional franchise ang NTC para nang sa ganun naman maka-focus kami sa mas kailangan ng Malacañang. Sinabi nila under oath na mag-issue sila, kaya kampante na kami.
“Ano ba naman yun sana, bago nag-expire ang franchise nung May 4, ano ba naman yung one week sinabi sa amin na ‘ay hindi kami puwedeng mag-issue ng provisional franchise’. Kaya magu-order na kami ng Cease and Desist.
“So, kung ganun eh di sana kaming mga Congressman, nag-hear na agad kami para at least makita na yung ano…na-set aside na muna namin yung ginagawa naming other important bills also.
“Kaya nga sinasabi ko nga kanina dun, saka ni Speaker na bakit ganun ang ginawa ng NTC?”
Bukas ang pahinang ito sa sagot naman ng taga-NTC na lumalabas na sila ang may pagkukulang at hindi ang nasa Kongreso.
Samantala, tila galit na galit naman ang Director General ng Film Academy of the Philippines na si Vivian Velez sa ginawang ito ng Kongreso.
Shoutout niya sa kanyang Facebook account nung nakaraang Miyerkules: “Congress providing ABS-CBN provisional franchise is illegal…Abolish Congress!”
May isa pa siyang FB post na may litrato ng prutas na balimbing. Nasa caption nito: “Need I say more…Sino siya?”
- Latest