^

PSN Showbiz

Sonny Parsons ng Hagibis na-heatstroke habang nagmomotorsiklo

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Sonny Parsons ng Hagibis na-heatstroke habang nagmomotorsiklo
Sonny Parsons

Mabigat ang kalooban namin habang sinusulat ang kolum na ito. Nakalulungkot na nga ang nagaganap na epidemya sa buong mundo ay malalagasan ka pa ng mga kaibigang mahal mo.

At ang masakit pa, gusto mo mang makiramay ay wala kang magawa, bawal lumabas ng bahay lalo na ang pagkukumpulan ng mga tao sa isang lugar lang.

Wala kang pamimilian kundi ang magdasal na lang, ang makiramay nang malayuan, dahil ito ang panahong gustuhin mo man ay wala ka talagang magagawa.

Linggo nang hapon, habang pinanonood namin ang dokumentaryo ng Simon & Garfunkel, nang tumawag ang anak-anakan-kaibigan naming si Dada.

Wala na raw ang kaibigan naming si Sonny Parsons, inatake raw habang bumibiyahe sakay ng kanyang motorsiklo, hindi na umabot nang buhay sa ospital sa Batangas.

Napakalayo sa aming hinagap ang ganu‘ng senaryo. Matikas ang katawan ni Kuyang Sonny, ensayado siya, hindi rin namin alam na may problema pala siya sa puso.

“Heat stroke ang dahilan,” sabi naman ng isa pang kaibigan namin, dahil katirikan ng araw bumiyahe si Kuyang Sonny.

Palaging nakadikit sa aming utak na kapag takdang panahon na ng ating pamamaalam ay mga dahilan na lang ang lumulutang.

Kapag tinawag na tayo ay wala nang pero at bakit, hanggang du’n na lang talaga ang ating buhay, nakaguhit na kung gaano kaigsi at katagal ang pagmamalagi natin bilang turista sa mundo nang ipanganak tayo.

Si Sonny Parsons ang pinakaulo ng grupong Hagibis na sumikat ilang dekada na ang nakararaan. Siya na lang ang nag-iisang aktibo sa grupo, pumanaw na si Bernie Feneza, at ang iba pang miyembro ay nasa iba-ibang bansa na.

Naging madalas ang pagkikita namin ni Kuyang Sonny nu’ng mga nakaraang buwan, sinikap niyang buuin uli ang Hagibis, nagkaroon sila ng mga shows pero hindi na ang mga orihinal na miyembro ang kanyang kasama.

“Nanghihinayang kasi ako sa grupo, uso naman ngayon ang mga revival, kaya bakit ang hindi? Miss ko na ang pagkanta, ang pagpe-perform,” madalas niyang sabihin.

At madalas din namin siyang kausap ni Tito June Pabustan, kaibigan naming advertiser, dahil boses niya ang ginamit sa voice-over ng isang produktong panglalaki na umeere na ngayon sa maraming istasyon.

Kaya pala, naiisip namin ngayon, kaya pala bago siya nawala ay binalikan niya ang mahahalagang yugto ng kanyang buhay.

Ang Hagibis, ang pagiging aktibo uli sa pagta-target shoot, isa sa pinakakilalang sharp shooter ang namayapang singer.

Napakasakit lang dahil ni hindi man lang namin siya nasilip sa pinakahuling sandali dahil bawal. Nataon sa enhanced community quarantine ang kanyang pagpanaw na napakalaki ng epektong ginawa sa ating buhay at pakikipagkaibigan.

Hindi namin makakalimutan si Kuyang Sonny Parsons bilang kaibigan na basta nasa tama ka ay ipaglalaban ka niya nang patayan.

Bilang magaling na singer ay hindi siya pinagbago ng kasikatan, nanatili siyang mapagkumbaba, hindi kailanman naging isyu para sa kanya ang usapin ng pananalapi.

Lagi na lang naming aalalahanin na hindi siya puwedeng magsuot ng maruming sapatos. Kapag hindi raw malinis ‘yun ay para kang may suot na butas na briefs.

Pinagsasabihan niya ang kahit sinong kumukuha ng pagkain pero hindi naman inuubos. Maglilitanya siya, “Sayang, dahil kung titingin ka lang sa likuran mo, maraming nagugutom. Maraming tumatakam at lumulunok lang.”

Ang dami-dami naming kuwento tungkol kay Kuyang Sonny. Mga istoryang may kakambal na aral ng buhay.

Hindi raw tayo dapat nagsasabi ng paalam na sa isang mahal sa buhay na pumapanaw. Hanggang sa muli lang.

SONNY PARSONS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with