‘Tinarantado ninyo ang mga pilipino’ - Coco
Ang shutdown ng ABS-CBN ang mainit pa ring pinag-uusapan at inabangan ang reaksyon at pahayag ng malalaking Kapamilya stars.
Si Coco ang isa sa unang nag-post sa kanyang Instagram account na nagpupuyos sa galit.
Sa simula ng kanyang pahayag ay humingi na siya ng paumahin dahil sa hindi raw niya mapigilan ang sobrang galit na nararamdaman niya sa pangyayaring ito. “Anong klaseng mga tao ang gumawa nito?” sabi niya.
“Hindi kayo ang mga taong dapat kinakausap ng maayos. Ang dapat sa inyo tapatan ng kabastusan at kawalanghiyaan tulad ng inaasal ninyo!”
Dagdag pa niya: “Sana ipagkapuri kayo ng pamilya ninyo sa tagumpay ninyong gutumin at yurakan ang mga buhay ng ilang libong pamilya! Tutal wala namang kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang saloobin ko.
“Sa mga taong pilit magsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo. NTC, sana nagdala ito ng lubos na nakaligayahan!!!”
Lalong tumindi ang mga kasunod niyang pahayag at lumabas ang pagiging palaban kagaya ni Cardo Dalisay ng Ang Probinsyano. “Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan! Galing ako sa hirap at jologs ang pagkatao ko, kaya wala akong pakialam ngayon kung ano ang sasabihin ng mga tao. Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!
“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!”
Juday nanghihingi ng paliwanag
Nasa Instagram din ni Judy Ann Santos ang pagkadismya sa nangyari na nangangalahati pa lamang tayo ng taon, hindi raw niya akalaing may dalawang bagay na mangyari sa kanya na hindi niya inaasahan.
Itong Enhanced Community Quarantine at ang pagsara ng itinuturing niyang bahay at buhay mula pa nung 13 years old siya. “Bakit ngayon? Hindi po bang mas importanteng magtulungan tayo at magkaisa kahit pansamantala na muna habang may kinakaharap tayong mas malaking kaaway? Hindi po dapat sama sama nating ginagawa ang puwede nating magagawa para makapagsilbi sa mamamayang Pilipino?
“Hindi ko naintindihan …kung may iilang tao ang nagbubunyi ngayon dahil nakuha at nagagawa nilang maipasara ang ABS-CBN. Mas marami po kayong taong nasaktan at tinanggalan ng trabaho sa panahong lahat ng tao ay nag-aalala kung paano bubuhayin ang mga pamilya nila…maari po bang makahingi ng sapat na paliwanag??” bahagi ng IG post ni Judy Ann.
Samantala, inspiring naman ang mensaheng ipinarating ni Cong. Vilma Santos-Recto:“Hindi ako magpapaalam dahil alam kong magbabalik kayo!!! Mabuhay ABS-CBN.”
Pero totoo bang wala pa sa agenda sa mga session ng Kongreso ang renewal ng ABS-CBN? Ang pagkakaalam ko, hanggang June 4 lang ang session ng Kongreso at magkakaroon uli ng recess. Sa July na ang uli kasabay ng SONA ni Pres. Duterte.
Gaano katagal tayong maghihintay ng pagbubukas uli ng Channel 2?
Betong pinatatag ang sarili
Sa gitna ng mainit na isyu sa ABS-CBN 2, sumabay naman ngayon si Betong Sumaya sa pagpu-promote ng kanyang first single na nai-release na pala sa Apple Music, Spotify, You Tube music at sa iba’t-ibang Barangay FM radio stations.
Isang novelty song na pinamagatang Nang Minahal Mo ang Mahal Ko, na punung-puno ng hugot ang pagkakanta niya.
Sabi nga ni Betong, bagay na bagay daw itong single niya sa mga naagawan ng dyowa at naka-quarantine ang lovelife. “Ang single na ito ay para sa mga pusong naka-quarantine din dahil sa bigong pag-ibig,” pakli niya nang nakatsikahan namin via Google Hangouts nung nakaraang Martes ng hapon.
Hindi napigilan ni Betong na maluha nang napag-usapan ang pinagdaanan niya habang solo siya sa kanyang condo unit sa Quezon City. Sobrang na-miss daw niya kasi ang pamilya niyang madalas na nadadalaw niya sa Antipolo. Mabuti na lang at meron ng video chat. “Ako po lahat ngayon eh. Luto, laba, linis, punta ng grocery.”
“So, pinatatag ko talaga ang sarili ko. Sige, idaan lang itong lungkot na ito, huwag lang tatambayan. Padaainin mo lang siya. Mahirap po eh,” maluha-luhang pahayag ni Betong.
- Latest