^

PSN Showbiz

Manghuhula nawalan ng silbi?!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

May salitang ceasefire sa diksiyunaryo. Ang eksaktong pakahulugan sa ating lengguwahe ay tigil-putukan. Kahit ang mga mortal na magkaaway na New People’s Army at hanay ng militar ay rumerespeto sa ceasefire.

Isinasantabi muna nila ang galit, tinatanggalan ng bala ang kanilang mga armas, walang lumulusob hanggang sa pinakahuling araw ng pinag-usapang tigil-putukan ng magkalabang panig.

Kapag dumarating ang Mahal Na Araw ay nangingilin din tayo. Hindi lang sa pagtikim ng karne, lumalambot din ang ating puso na parang tuwing Pasko, tinatanggal natin ang galit sa ating puso bilang pagrespeto sa panahon.

Nasa ilalim pa tayo ng enhanced community quarantine hanggang ngayon. Ang una dapat nating pinagtutuunan ng pagtutok ay ang kaligtasan ng ating mga kababayan, nating lahat, sa coronavirus.

Ang ikalawang dapat tutukan ng pamahalaan ay ang kabuhayan ng mga kababayan nating pinatigil sa pagtatrabaho, walang kahit baryang pumapasok sa kanilang bulsa, umaasa na lang sila sa ayuda ng barangay na nakasasakop sa kanila.

Ang ikatlo ay kung hanggang saan at kailan ba ang ating pagtitiis na ito? Kailan ba madidiskubre ang mahiwagang gamot para masugpo ang salot, nakakatakot ang sinabi ni PRRD, “COVID-19 is here to stay.”

Totoo bang pagkatapos ng May 15 ay babalik na tayo sa kanormalan ng buhay? Ano ba ang eksaktong pakahulugan ng new normal?

Anong bagong normal na buhay ba ang ya­yakapin natin pagkatapos ng lockdown? Pansamantala kasing tumigil ang ikot ng ating mundo nang dahil sa ECQ.

Nangangapa tayong lahat ngayon. Nag-aalala. Nag-iisip. Anong bagong umaga ba ang ating hinihintay?

Lugmok na ang ekonomiya. Naghihingalo na ang bulsa ng bayan. Nagkikiskisan na ang malalaki at maliliit na bituka ng mga iwing manggagawa dahil sa laganap na kahirapan.

Kahit magagaling na manghuhula ay hindi kayang makita ang ating bukas. Wala ‘yun sa kanilang mga baraha.

Isang-isa lang ang nakakaalam ng kung anong uri ng buhay ang naghihintay sa atin. Tumingala lang tayo. Nandu’n ang sagot.

ABS-CBN tuloy ang pag-ayuda

Naisip namin ang mga prayoridad na kailangang tutukan ng mga tagapamuno natin ngayon dahil sa pagkakagulo ng ibang malalaking personalidad na nakaposisyon tungkol sa nagtapos na prangkisa ng ABS-CBN nu’ng May 4.

Susmaryosep! Sa mga panahong ito na hindi na nga malaman ng mga aping-api nating kababayan kung saan sila kukuha ng makakain, gutom na gutom ang bayan, bigyang-prayoridad pa ba ang pagpapasarado ng ABS-CBN?

Hindi raw maaaring magbigay ng lisensiya ang NTC, kakasuhan daw ang gagawa nu’n para makapagpatuloy sa himpapawid ang network, tanging ang Kongreso lamang ang makapagbibigay ng senyal kung tuloy ‘yun o kailangan nang mag-pack-up ang istasyon.

Puwede bang ipagpaliban na ng mga nagmamarunong ang pagpapahinto sa ere ng ABS-CBN at palipasin muna ang pandaigdigang problemang bumabagabag sa ating bayan?

Nakasalang na sa Mababang Kapulungan ang isyu,
uupuan na lang ng mga mambabatas, pero huwag na muna sanang isabay ‘yun sa mas matinding problemang kinakaharap natin ngayon.

Kahit nga binubulabog na ng mga kumokontra sa pagbibigay ng bagong prangkisa ang istasyon ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay-serbisyo nila para sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanilang proyekto.

Sa tulong ng kanilang mga kaalyadong negosyante ay napakaraming bituka ang nagkakaroon ng laman, ang nagkakaroon ng pag-asa, pinersonal ba ng ABS-CBN ang panawagan ng ating pamahalaan tungkol sa pagtulong?

Kahit iniipit na sila ng ibang pulitiko ay sige pa rin sila sa pag-ayuda, hanggang sa kanayunan ay nakararating ang tulong ng network, ‘yun ba ang istasyon na kailangang ilagay sa sangkalan ngayon ng mga kumokontra?

Sa gitna ng COVID-19? Sa gitna ng sigaw ng mga kababayan nating manggagawa na umaamot ng awa? Sa gitna ng pagkakagulo ng buong mundo nang dahil sa epidemya?

Ceasefire muna. Marami pang araw na puwedeng isalba o dikdikin ang ABS-CBN kung mabibigyan ba sila ng bagong prangkisa.

Huwag lang naman muna ngayon. Tigil-putukan muna.

ABS-CBN

MANGHUHULA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with