^

PSN Showbiz

Mga kanta ng Eagles at Bee Gees, walang kupas

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Mga kanta ng Eagles at Bee Gees, walang kupas

Sa mga panahong ito na parang kinatatamaran na rin natin ang tulog at pahinga ay talagang maghahanap tayo ng mga aktibidad na magpapalipas ng ating maghapon nang hindi tayo nabuburyong.

Aba, hindi na biro ang pinagdadaanan natin, ito ang pinakamahabang bakasyon sa ating buhay, pero isang uri ng bakasyon ito na walang labasan ng bahay, dahil bawal.

Nu’ng isang araw ay nag-download ng mga concert ng mga paborito naming banyagang grupo ang aming panganay na si BM.

Una naming pinanood ang unang farewell concert ng Eagles sa Australia. Napakagaling na grupo, suwabeng-suwabe ang atake, pero hindi mo bibitiwan.

Siyempre’y bumibida sa kanilang mga piyesa ang Hotel California na napakaahaba ng intro. Nakapaglaba ka na, nakapagsampay ka na, malapit nang matuyo ang nilabhan mo ay saka pa lang matatapos ang balanseng-balanseng tunog ng kanilang mga instrumento para simulan na nila ang pagkanta.

Ang ikalawa naming tinutukan ay ang concert ng grupong Bee Gees, pinanood din namin ang istorya ng kanilang buhay at musika, du’n kami naging emosyonal.

Ang mga miyembro ng grupo ay ang magkakapatid na sina Barry, Maurice at Robin ng Isle Of Man, UK. Ang panganay na si Barry lang ang natitirang buhay ngayon dahil pati ang kanilang bunsong si Andy ay namayapa na rin.

Sa isang bahagi ng kanilang concert sa Australia ay ihinandog nila kay Andy ang isang piyesa. Ipinakita sa wide screen ang masaya nilang kabataan, nangangabayo sila at naliligo sa dagat, matinding magmahalan ang magkakapatid.

Biglang iniluwa ng hologram si Andy na kumakanta, parang buhay na buhay na kinakanta ni Andy ang Don’t Throw It All Away (Our Love), nagtayuan ang audience habang pumapalakpak.

Standing ovation ang parteng ‘yun, iyak nang iyak si Barry, dahil siya nga naman ang pinakamatanda sa lahat pero bakit mas nauna pa ang kanilang bunso?

Paboritong grupo ng Bee Gees ang The Beatles na tunay namang nambulabog ang kasikatan sa buong mundo. Nu’ng manguna sa record chart ang kanilang mga piyesa at nakita nila ang mga fans na naghihintay sa kanilang bumaba sa isang gusali ay biglang sinabi ni Barry, “OMG! We’re like The Beatles now!”

Kuwento ng aming anak-anakang si Jojo Ocampo na ilang dekada nang naninirahan sa Isle Of Man ay may malaking rebulto ng Bee Gees sa sentro ng siyudad.

Napakalawak nga naman ng kasikatang inabot ng magkakapatid, kung may The Beatles ang Liverpool ay may Bee Gees naman sila, hinding-hindi na malilimutan pa ng kasaysayan ng mundo ng musika ang mga pinasikat nilang piyesa.

First Of May, Stayin’ Alive, How Deep Is Your Love, Night Fever, To Love Somebody, Too Much Heaven, I Started A Joke, Emotion, More Than A Woman, Tragedy at maraming-marami pang ibang kantang hanggang ngayo’y naririnig pa rin nating pinatutugtog sa radyo.

The carperters binabalik ang masasayang alaala

Bukas ay kaarawan ng aming ina. Sampung taon na siyang pumapanaw at sa loob nang mahabang panahong ‘yun ay sama-sama kami ng aming mga anak at apo na dumadalaw sa kanyang puntod sa Eternal Gardens.

Ngayon lang namin hindi madadalaw si Nanay dahil sa lockdown. Isang buwan at kalahati na naming hindi nakikita ang langit, hindi kami lumalabas ng bahay, dahil sa dikta ng enhanced community quarantine.

Nag-text sa amin si BM, “Mama, bilang birthday po ni Nanay sa May 2, ipinagda-download ko kayo ng concert ng The Carpenters.”

Paborito ni Nanay si Karen Carpenter, gandang-ganda siya sa malamig at walang ka-effort-effort na pagkanta ng kanyang idolo, kinailangan pa nga naming kabisaduhin ang Top Of The World para kay Nanay.

Bukas, bilang pag-alala sa kaarawan ng pinakamamahal naming Nanay, ay sama-sama naming panonoorin ang concert ng kanyang idolo na kasama na rin niya sa kabilang buhay ngayon.

Laging may hatid na lungkot at pagbalik sa nakaraan tuwing sumasapit ang birthday at death anniversary ng aming mga magulang.

Bumabalik ang aming alaala sa masasayang panahon na magkakasama pa kami, buhay na buhay pa rin sa aming puso ang mga gintong aral ng mga guro naming Tatay at Nanay, ‘yun ang kayamanang hindi mananakaw sa amin ninuman.

Ang kanilang pagkawala ay sugat na walang paggaling. Palaging nagnanaknak. Palaging sumasakit.

BEE GEES

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with