ABS-CBN, wagi ng tatlong medalya sa NYF
Nasungkit ng programang Local Legends ng ABS-CBN DocuCentral ang Silver World Medal para sa kwento nito tungkol sa 74-anyos na artist na si Ric Obenza at kung paano niya inaalay ang buhay sa pangangalaga sa mga kagubatan sa Davao sa 2020 New York Festivals TV and Film Awards. Panalo rin ang isa pa nilang dokumentaryo na pinamagatang Alab, tungkol sa tapang at pagkakaisa ng Filipino volunteer firefighters, na nasungkit ang Bronze World Medal sa Heroes category.
Kinumpleto ng Tao Po, isang episode ng documentary series na “#NoFilter, ang listahan ng mga nagwagi mula ABS-CBN na nakakuha ng pinakamaraming medalya para sa Pilipinas.
Bronze World Medal ang natanggap ng kwento ng premyadong dokumentarista na si Jeff Canoy tungkol sa isang inang nangangalaga sa kanyang anak na may Down Syndrome.
Layunin ng New York Festivals Best TV and Film Awards na kilalanin ang pinakamahuhusay na programa mula sa iba’t ibang bansa. Sinuri ng mga batikang broadcast at film executives mula sa buong mundo ang mga nagsipagwagi.
- Latest