Christopher nagpapalakas din Iza binawalan muna ng doktor na mag-donate ng plasma!
Nakapag-donate na si Sen. Miguel Zubiri ng kanyang plasma para gamitin
sa mga COVID patient at inaasahan ngayon kung puwede na bang mag-donate sina Iza Calzado at Christopher de Leon na nagpahayag na willing silang magbigay.
Sabi ng manager ni Iza na si Noel Ferrer, inalam na raw niya sa Kapamilya actress kung puwede na ba siyang mag-donate at na-forward daw sa kanya ang text ng mga doktor ni Iza.
“We deeply regret to inform you that your hemoglobin is below the minimum cut-off, and because your safety is our primary concern, it would be best to post-pone the plasma donation for the time being
“We would be very excited to visit you again to check your hemoglobin in about 2 weeks and see if you can donate already.
“Your deep self-less desire to help other Covid-19 patients is an inspiration
to all of us. It is what keeps us going.”
Kaya nagpapalakas pa rin si Iza para maging normal na ang lahat na puwede na siyang mag-donate ng kanyang plasma.
Hindi pa ako sinagot ni Christopher de Leon kung puwede na siyang mag-donate. Pero sabi ng ilang taong malapit sa aktor, nagpapalakas pa rin daw ito kaya hindi pa muna siya lumalabas.
Pero very much willing daw si Boyet na mag-donate kung puwede na talaga.
Pelikula nina Derek, hagip na hagip pa ng ECQ
Nabanggit na nga ng Malacañang spokesperson Atty. Harry Roque na new normal na raw ang General Community Quarantine na ipapatupad sa iba’t ibang probinsya.
Pero dito sa buong NCR at iba pang rehiyon ay tuloy pa rin ang Enhanced Community Quarantine hanggang May 15.
Sana hanggang May 15 na lang talaga dahil ramdam na natin ang kahirapan lalo na ang ilang mga taga-showbiz industry at wala nang inaasahang trabahong babalikan.
Iba na nga ang bagong normal na haharapin natin pagkatapos nitong COVID-19.
Hindi na talaga ito kagaya ng dati na sunud-sunod ang ginagawa ng mga artista, at pati sa music industry ay wala pang pinag-uusapang concerts.
Pinag-uusapan na nga na hindi na raw muna itutuloy ang ilang movie projects na nakatakda na sanang simulan.
Si Paolo Contis nga ay may two shooting days pa sa pelikulang Isla ng Octoarts Films na pinagbibidahan ni Beauty Gonzales. Kung sakaling mag-resume na ng shooting, malamang na ipa-practice pa rin daw ang social distancing.
Hindi rin masasabi kung kailan ito isu-showing dahil wala pang katiyakan kung kailan ba magbubukas ang mga sinehan.
Ang leisure and amusement ang ilan sa hindi pa bubuksan kung sakaling magiging bagong normal na tayo.
Bahagi rin si Paolo sa sisimulan sanang drama series ng GMA 7 na Sanggang Dikit, pero hindi pa rin masasabi kung kailan na ito sisimulan. Ang Sanggang Dikit ang bagong action serye nina Derek Ramsay at Andrea Torres, pero kailan ba nila ito sisimulan?
Thankful nga si Derek dahil maganda sana ang mga proyektong gagawin niya ngayong 2020, pero hindi pa niya alam kung kailan na maging normal ang lahat.
Excited din sana siya sa international film na gagawin niya kasama si Sam Worthington na bida sa Avatar. Isang international film outfit daw ang magpu-produce nito na isu-shoot sana dito sa Pilipinas. “Suspense thriller siya. It’s about two foreign students na napadpad dito sa Pilipinas. Very proud ako na magiging part ako ng cast na to,” pakli ni Derek nung nakapanayam namin sa DZRH.
Sa ngayon ay nakabitin pa ang lahat, at hindi natin alam kung ano ang puwede pang mangyari.
Kahit nga ang Metro Manila Film Festival ay hindi rin masasabi kung makakasali ba ang mga malalaking film outfit at pati mga malalaking artistang dating sumasali dahil hindi pa rin naman makapag-shooting sa ngayon.
Kaya marami ang nagsa-suggest na ang walong entries na lang sa naudlot na Summer Metro Manila Film Festival ang isali sa MMFF sa December. Baka dito lang makakabawi-bawi ang ating entertainment industry.
Sana ganun na lang nga ang mangyayari.
- Latest