Jude laging bukas ang palad!
Madalas gawing komedya ni Manay Lolit Solis ang pagkukumpara sa magkapatid na dating Senador Jinggoy at Col. Jude Estrada.
“Nagkamali ako ng pipiliing maging ka-close sa kanilang dalawa. Si Jinggoy ang pinili ko, pero dapat pala, e, si Jude Estrada!” bulaklak ng dila ng aming kaibigan-kabsat-kasama sa Take It, Per Minute... Me Ganu’n.
Nakatikom daw kasi ang kamao ng dating senador, parang boksingero, samantalang nakalahad naman ang mga palad ni Col. Jude na parang karatista.
Na sinasang-ayunan naman namin nang mahigit pa sa isandaang porsiyento dahil sukat na sukat na namin ang pagiging mapagmahal at mapagmalasakit ng bunsong Estrada.
Umulan lang nang malakas sa San Juan, ang akala ni Col. Jude ay umuulan din sa Valenzuela, kaya agad na siyang tumatawag para mag-check kung maayos daw ba ang aming pamilya.
Kapag nangutang tayo ay palaging may katapat na halaga ‘yun. Piso ang inutang natin kaya piso rin ang kabayaran.
Pero ang makabuluhang pag-aalala ay walang katumbas na kahit magkano. Walang presyo ang pagmamahal.
Ilang beses na naming nakasama sa pagbiyahe sa Amerika si Col. Jude, ilang laban ni Senador Manny Pacquiao ang pinanood namin sa Las Vegas, napakasarap niyang kasama.
Wala siyang kapaguran sa pagda-drive, dadalhin ka niya talaga sa mga lugar na napapanood mo lang sa pelikula at nababasa sa mga magazine, may tourist guide ka na ay may piloto ka pa.
Isang madaling-araw ay nagyaya siya sa isang supermarket na dalawampu’t apat na oras na bukas, ang Raph’s, malapit lang ‘yun sa bahay nila sa Glendale.
Bukod sa nagugutom siya ay kailangan naming mamili ng mga pagkain para sa ilang araw. Marami kaming pinamili, pero nu’ng nasa labas na kami ng supermarket ay nabutas ang mga supot na yakap namin, gumulong nang gumulong sa iba-ibang direksiyon ang mga de-lata.
Gusto sana naming habulin ang mga de-lata, pero naunahan kami ng paghalakhak, isa ‘yun sa pinakamasarap na halakhak na binitiwan namin sa buhay na ito.
Madaling-araw, napakaginaw, pero hayun kaming dalawa at pulot nang pulot ng mga de-latang nagsuutan pa sa ilalim ng mga kotseng nakaparada ang iba.
Mababaw ang kaligayahan ni Col. Jude, pati ang tawa niya ay ganu’n din kababaw, napakasarap niyang tumawa sa mumunting kuwentong itinatawid namin sa kanya.
Ngayong panahon ng lockdown ay araw-araw siyang nangungumusta sa amin, ayos lang daw ba kaming mag-iina, hindi na ‘yun bago para sa amin dahil umaapaw talaga ang malasakit at pagmamahal sa puso niya.
Tama si Manay Lolit, hindi lang kaibigan sa halakhakan at kaluwagan ng pamumuhay si Col. Jude Estrada, kaibigan siya sa lahat ng panahon, sa lahat ng sitwasyon, lalo na kapag ang mundo ay tumatalikod na sa iyo.
Mawawala kami at mabubuhay uli na sa lahat ng mga Estrada ay si Col. Jude pa rin ang pipiliin namin.
Peksman. Sumpa man.
Maraming salamat...
May kaibigan-anak-anakan kaming super-yaman, may elevator ang kanilang bahay sa ituktok ng burol sa Laguna, ang kasipagan nilang mag-asawa ang naghatid sa kanila ng mga biyaya.
Nu’ng nasa Dubai pa sina Tito Mino at Tita Weng Jamaji ay sa kanilang bahay tumutuloy ang mga sikat na artista. Parang hotel din kasi ang kanilang tahanan, napakarami nilang bisita palagi, ganu’n sila katinding makisama.
Nandito na sila ngayon, ibinenta na nila ang kanilang mga propyedad nang magkaroon ng recession sa Dubai, pero tuluy-tuloy pa rin ang kanilang mga negosyo dito sa Pilipinas.
Sa kabila ng kanilang tagumpay ay walang ipinagbago si Tita Weng, isa pa rin siyang probinsiyanang masayang-masaya na kapag saluyot ang kanyang ulam, hindi siya nakalilimot sa kanyang mga kamag-anakan at kaibigan.
Nu’ng isang araw ay pinadalhan niya kami ng mga prutas, pang-vitamin C daw naming mag-iina, saka mga cold cuts na sabi nga ng aming mga apo ay pangyayamanin dahil pang-hotel ang datingan.
Napakapalad namin sa mga kaibigan at anak-anakang hindi nakalilimot. Si Mayor Enrico Roque na pang-ilang wave na ang ipindadalang mga gulay at pagkain, si Tita Flory Estrada na halos lahat ng meron ang kanilang pamilya ay meron din kami dapat, si Suzette Recto na alcohol naman ang ipinadala sa amin.
Si Senador Bong Revilla na nasa puso ang laging pag-aalala, ang kanyang kapatid na si Princess Revilla na hindi nagpabaya sa kanyang mga trabahador, sa kabila ng lockdown ay napakarami pa rin naming dapat ipagpasalamat kesa sa ireklamo.
Maraming salamat sa inyong lahat, mabuhay kayo, dobleng ingat din na hinihingi ng kasalukuyang sitwasyong kinapapalooban natin.
- Latest