Howie Severino pinaiiral ang pagiging dokumentarista nang magka-covid
Sabado nang umaga pa lang ay malinaw na ang magiging itineraryo ng aming buhay sa maghapon. Dating gawi. Magsusulat ng mga kolums sa umaga.
Maglilinis ng kuwarto, manonood ng mga programang pambalitaan tungkol sa nagaganap sa buong mundo, pero meron kaming inaabangang palabas na hindi namin maaaring palampasin.
Sisimulan at tatapusin namin ang I Witness sa pagtimon ni Howie Severino, isang dokumentaristang nakipagbuno kay kamatayan dahil sa COVID-19, at nagtagumpay.
Marami na kaming napanood na kuwento ng mga kababayan nating kinapitan din ng corona virus at nakaligtas. Pero ibang-iba ang kay Howie Severino, ginawa niyang dokumentaryo ang pakikipagsukatan niya ng lakas sa salot na laganap sa buong mundo, kahit kailan naman ay hindi kami binibigo ni Howie sa kanyang mga binabalangkas na paksa sa I Witness.
Labing-isang araw siyang namalagi sa Fe del Mundo Medical Center. Nakahiwalay siya sa ibang mga pasyente. Nasa isolation room siya na walang nakikita kundi ang mga frontliners na nag-aalaga sa kanya.
Ang tanging nakikita niya mula sa bintana ay ilang puno, bawal siyang dalawin ng kanyang pamilya, ‘yun na ang pinakamalulungkot na araw ng kanyang buhay.
Nagsimula lang ‘yun sa kanyang pagtamplay, lagnat na ilang araw nang hindi bumababa, kaya nagdesisyon siyang magpunta na sa ospital para sumailalim sa pagsusuri.
Positibo siya sa COVID-19. Tinamaan ang kanyang baga dahil sa pneumonia. Inalagaang mabuti ang kanyang puso dahil sa tindi ng mga gamot na ibinibigay sa may corona virus ay baka atakihin siya.
Sa malungkot niyang mundo na kinakambalan pa nang matinding takot at pag-aalala ay kung anu-anong senaryo ang naglalaro sa isip ni Howie Severino.
Isang gabi ay nagpaalam na siya sa kanyang kabiyak na si Ipat Luna, sumagi na rin sa kanyang isip ang mga biswal na alaala ng nakaraan na baka hindi na maulit pa, wala ngang pinakamatapang na tao kapag nasa bingit na ng kamatayan.
Si Gabriel Lazaro ang regular niyang naging nurse, tinuruan niya itong gumamit ng camera ng kanyang cellphone, para maidokumento nila ang lahat ng pinagdadaanan niyang proseso sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Kapag sinasaksakan na siya ng gamot ay napapakagat-labi si Howie, nangingitim na rin ang kanyang pulso sa kasasaksak ng suwero, pero lutang na lutang pa rin ang pagiging dokumentarista niya.
“May mga namamatay ba dito sa coronavirus? Meron din bang nakaliligtas?” tanong niya sa kanyang nurse, “Marami na po. Hindi na nga sila nakikita ng mga kapamilya nila, idinidiretso na sila sa morge, sinusunog na agad,” sagot naman ng kanyang kausap.
Pero hindi siya pinanghinaan ng loob, nandu’n ang matinding takot, pero buhay na buhay sa kanyang isip na lalaban siya.
Hanggang sa isang umaga ay may magandang balitang sinabi ang kanyang nurse, isang pagsu-swab pa at puwede na siyang lumabas, ligtas na siya sa COVID-19.
Iniyakan namin ang mga tagpo nu’ng palabas na si Howie Severino sa ospital pagkatapos nang labing-isang araw sa isolation room.
Ihinatid siya ng mga frontliners hanggang sa lobby na may kani-kanyang hawak na placards, “Congratulations!” sabi.
Bago niya nilisan ang makasaysayang kuwarto ng ospital na naging saksi sa kanyang pakikipaglaban ay may iniwanan siyang sulat ng pasasalamat.
Sinserong pinasalamatan ni Howie ang lahat ng mga frontliners na hindi lang sa kanya nakadistino kundi sa lahat ng mga pasyenteng tulad niya, tulad na kanyang nurse na si Gabriel, na hindi na nakikita ang sariling pamilya para sa kaligtasan ng mga ito sa mikrobyo.
Habang sakay ng wheelchair at napapalibutan ng mga bayani nating frontliners ay isinarado ni Howie Severino ang kanyang dokumentaryo sa napakasimple pero nanununtok ng pusong paraan.
Biyaya para kay Howie Severino ang sikat ng araw, “Maraming-maraming salamat sa inyong lahat dahil buhay kami. Buhay ako.
“Ako po si Howie Severino – survivor.”
Siya nga ang ilang araw na itinago sa pagpapakilalang “Patient 2828.”
- Latest