Biro ni Vico: Ang mag-COVID joke sa April Fools' ipapasok sa isolation
MANILA, Philippines — Binalaan ng alkalde ng Pasig City ang lahat ng nagbabalak mang-Alaska bukas na huwag gawing biro ang nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19), na kumitil na sa 78 sa ngayon.
Viral ngayon sa Twitter ang biro ni Pasig Mayor Vico Sotto, na nagsasabing paparusahan niya ang magkakamaling mang-joke time nang wala sa hulog.
"Ang mag-April Fools joke tungkol sa covid, ipapasok sa isolation facility ng 14 days," sabi ng bagitong Pasig mayor.
Ang mag-April Fools joke tungkol sa covid, ipapasok sa isolation facility ng 14 days
— Vico Sotto (@VicoSotto) March 31, 2020
'Yan ang naging tugon ni Sotto sa tweet na ito ng science-oriented organization na Earth Shaker, na nag-tag kina Sotto at Valenzuela city Mayor Rex Gatchalian.
"Kailanman, hindi magiging magandang lokohin ang iba na COVID-19 positive ka sa darating na ika-1 ng Abril," sabi ng grupo sa Inggles.
Kanluraning taunang tradisyon ang April Fools' tuwing unang araw ng Abril, kung kailan talamak ang biruan, lokohan at practical jokes sa isa't isa.
Umabot na sa 1,546 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, simula nang pasukin ng virus ang bansa.
Umaani ngayon ng papuri mula sa netizens at residente ng Pasig si Sotto dahil sa kanyang mga kakaibang pagtugon sa pagkalat ng COVID-19 pandemic, gaya na lang ng "disinfectant drones" na pinalilipad sa lungsod.
Ginagaya na rin ngayon ng ilang local government units tulad ng Valenzuela ang ilang hakbang ni Sotto, tulad na lang ng "Mobile Palengke" ng Pasig.
"Plano nga natin gayahin sila sa pasig sa pamumuno ni mayor @VicoSotto," sabi ni Gatchalian.
"Kopyahan na eto!!! Wala naman tayo sa school eh...in this case copying is allowed i think."
Plano nga natin gayahin sila sa pasig sa pamumuno ni mayor @VicoSotto
— Rex (@rex_gatchalian) March 24, 2020
Kopyahan na eto!!! Wala naman tayo sa school eh...in this case copying is allowed i think.
- Latest