Aktor na si Menggie Cobarrubias, 66, pumanaw sa suspected COVID-19
MANILA, Philippines — Yumao na ang beteranong aktor na si Menggie Cobarrubias, Huwebes nang umaga, dahil sa pinaghihinalaang coronavirus disease (COVID-19), pagbabahagi ng kanyang pamangkin na si Patricia Prudon sa Facebook.
"Rest in peace, Tito Menggie! Mahal ka namin. Salamat sa pagiging ama, abogado, heneral at marami pang ibang papel sa pelikulang Pilipino. Siguradong mami-miss ka [ng lahat]," ani Prudon sa Inggles.
Unang niyang sinabi na namatay si Menggie "habang nakikipaglaban sa NCOV-19," ngunit binago ito sa "pneumonia complications."
"Kinukumpirma pa namin kung NCOVID-19 positive siya. Paaabutan namin ang lahat," dagdag niya.
Burado na sa Facebook sa nasabing paskil sa ngayon.
Kadalasang tumatama ang pneumonia sa mga taong may tinatamaan ng COVID-19, na noo'y tinatawag na novel coronavirus (2019-NCOV).
Bago mamatay, makikitang nakapag-post pa ng salitang "Goodbye" si Menggi sa kanyang FB kagabi.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang iba pa niyang kasama sa industriya, gaya na lang ng aktres na si Lui Manansala.
"Nakikiramay kami sa iyong mahal sa buhay na pinaka-apektado ng iyong huling paalam. Di man lang kami pwedeng makipaglamay, kaibigan. Marami kaming nalungkot sa iyong pagpanaw," ani Manansala.
Kilala si Cobarrubias sa kanyang pagganap sa sari-saring pelikula sa mga nagdaan dekada, gaya ng "Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?," "Hele sa Hiwalagang Hapis," "Kabisera" at "Eerie."
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang makumpirmang may COVID-19 ang aktor na si Christopher de Leon, na ngayo'y na-discharge na sa ospital.
Kasalukuyan namang may pneumonia ang aktres na si Iza Calzado, na naghihintay pa rin ng kanyang test results hinggil sa virus. — James Relativo at may mga ulat mula kay Deni Rose M. Afinidad-Bernard
- Latest