Ejay, gustong tumulong sa frontliners bilang reservist!
Noong Biyernes ay nagtapos na ang teleseryeng Sandugo na pinagbidahan nina Ejay Falcon at Aljur Abrenica. Halos anim na buwan ding ipinalabas ang naturang proyekto at ayon kay Ejay ay maraming mga bagay ang kanyang natutunan mula sa serye. “In terms po sa trabaho at higit sa lahat sa totoong buhay. Mas lumalim ‘yung pagmamahal ko sa trabaho at mas naintindihan ko rin ‘yung kahulugan ng pagiging kadugo. Itinuro rin ng Sandugo sa televiewers na dapat ay gawin mo ang tama hindi lang sa kadugo mo kundi sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong. ‘Yon ang pagkatao ng character ko as Agent JC Reyes,” pagbabahagi ni Ejay.
Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil nalampasan ng kanilang grupo ang malawakang enhanced community quarantine na ipinatutupad ngayon sa bansa. Huling araw na ng taping ng Sandugo nang nag-anunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol dito. “‘Yung last day po namin ay ‘yung gabi na nag-announce ng parang lockdown and bawal na mag-taping. Bale sumakto po siya, buti nga natapos pa namin. Parang hindi ko ma-imagine kung ano mangyayari kung hindi kami natapos. Baka naka-hang siguro kami or tatapusin na lang basta, hindi ko alam eh. Sabi ko nga, sa awa ng Diyos, buti natapos namin,” kuwento ng binata.
Nagbabalak si Ejay na makatulong sa frontliners na nagsisilbi ngayon sa mga ospital bilang isang Army Reservist. “Gusto ko talaga na kahit sa maliit na paraan ay makatulong at maka-inspire ako ng mga tao. Alam po ng mga kasamahan ko sa Air Force na palagi ako nandito para sa gano’ng bagay, at napag-usapan na po ‘yan. May inaayos lang po para sa go signal from our commanders,” pagtatapos ng aktor.
Bianca ginawang blog ang libro
Maraming mga artista ang sumubok na rin na maging isang video blogger. Isa na rito ay si Bianca Gonzalez na bukod sa pagiging TV host at manunulat ay abala na rin sa paggawa ng blogs.
Hango raw sa librong Pa’no Ba ‘To na isinulat din ni Bianca ang titulo ng kanyang sariling YouTube channel. “No’ng nag-iisip ako kung anong puwede kong gawin sa YouTube, kasi gustong-gusto ko magka-YouTube channel, pero hindi naman ako mahilig sa make-up or sa damit. Hindi naman ako pwede magpatawa, so ito ‘yung naisip ko kasi nga galing ‘to sa libro ko,” pagdedetalye ni Bianca.
Mahigit isang daang videos na ang mapapanood ngayon ng netizens sa YouTube channel ni Bianca na nagsimula noong 2017. Nakalipas na raw ang isang taon bago pa ito nairehistro ni Bianca sa pamunuaan ng YouTube upang magkaroon ng kita rito. “Sa totoo lang hindi naman kasi ‘yon ang purpose ko. Kumbaga ‘yun ang way ko mag-give back,” giit niya. Reports from JCC
- Latest