^

PSN Showbiz

Lungkot ng Covid mahirap labanan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Dasal ang kailangan

Gustuhin man nating labanan ang lungkot dahil sa pangdaigdigang mapamuksang COVID-19 ay hindi madaling gawin. Nasa hangin ang kalungkutan, lumilipad-bumibiyahe sa kapaligiran ang takot, lalo na kapag mga taong malalapit sa atin ang pumanaw.

Masarap makatikim nang mahabang pahinga lalo na kung ilang dekada na tayong hindi nareregaluhan nang sapat na tulog at pahinga dahil sa ating trabaho.

Pero hindi naman ganito katagal. At napakahirap nang nasa loob lang tayo ng ating tahanan pero ang utak natin ay aligaga, nahihintakutan, laganap ang kaparingan sa mga panahong ito.

Wala tayong ibang pamimilian nga­yon kundi ang sumunod sa panawagan ng DOH at ng ating pamahalaan. Kailangan nating magkulong sa bahay, mabisa ang social distancing, dahil ang mirkobyo ay napakadaling lumipat sa mga taong nagkukumpulan at nagsisiksikan.

Ibayong pag-iingat pa rin ang kailangan nating gawin pero ang pinakamabisang armas sa isang panahong nabubulabog ang buong mundo ay panalangin.

May isang Makapangyarihang Doktor na ayon sa marami ay hindi natutulog para sa atin, pero mas masarap paniwalaang ni hindi umiidlip, para sa ating mga hinaing.

Mga kanta ni Kenny Rogers, buhay na buhay                                          

Balot na nga ng lungkot ang buong komunidad ngayon ay maaga pa naming natanggap ang mensahe ng isang kaibigan, “Sis, Kenny Rogers is dead,” kaklase namin sa kolehiyo ang nag-text.

Biglang bumiyahe pabalik sa dekada otsenta ang aming alaala. Buhay-kolehiyo. Kapag mahaba-haba ang break namin sa klase ay magkakasama kaming magkakaibigan sa Canteen Of Joy na nasa tagiliran lang ng Lyecum Of The Philippines, may jukebox du’n, puro piyesa ni Kenny Rogers ang hinuhulugan namin ng barya.

Iba ang panghalina ng kanyang mga country songs, magkasalo sila ng namayapa na ring si John Denver sa ganu’ng atake, pero may sariling timpla ang mga piyesa ni Kenny tungkol sa pag-ibig.

Ang Through The Years ay walang kamatayan. ‘Yun ang pakorus na kinakanta sa graduation, sa kaarawan, sa lamay, walang pinipiling panahon ang mga liriko ng nasabing kanta.

Maganda rin ang leksiyon ng kanyang piyesang Coward Of the County. Pangaral ng ama sa kanyang anak ay hindi kailangang makipagsakitan nang pisikal para lang masabing lalaking-lalaki at matapang siya.

Pero sa bandang dulo ng kanta ay humingi ng paumanhin ang anak, binigo niya ang pangaral ng kanyang tatay, “Sometimes you have to fight to be a man.”

Iba naman ang aral ng The Gambler, alay ‘yun ni Kenny Rogers sa mga sugarol na walang kabusugan, nananalo na ay ayaw pang umayaw.

At pinaniniwalaan ng mga sugarol ang kanyang linyang binibilang ang pera habang nakaupo pa, sa salat pa lang ng kapal at nipis ay alam na dapat ng nagsusugal kung nananalo na siya o natatalo, kaya kailangan na niyang tumayo sa mesa.

Kailan lang ay napag-usapan pa namin ni Japs Gersin si Kenny Rogers habang bumibiyahe kami papunta sa Obra. Wala na kasi siyang mga bagong piyesa, parang si Barry Manilow rin na wala nang inilalabas na komposisyon, hindi na pala kagandahan ang kanyang sitwasyon.

Kumpleto kami ng mga kanta ni Kenny Rogers, aliw na aliw rin kami sa kanilang duweto ni Dolly Parton, nagkakaedad ang singer pero ang kanyang boses ay walang kamatayan.

Minsan pa ay pinagbuklod kami ng aming mga kaklase sa kolehiyo dahil sa pagpanaw ni Kenny Rogers. Pati ang mga kaibigan na­ming nasa Amerika, Australia, United Kingdom at iba pang mga bansa ay nakakuwentuhan namin tungkol sa aming buhay-Lyceum.

Sabi ni Lina Valdez na ilang dekada nang nasa Sydney, “The good old days. Panahon natin ang mga songs ni Kenny. Nakailang hulog kaya ako ng coins sa jukebox ng Canteen Of Joy kapag nagpapatay tayo ng oras?”

Kuwento naman ni Vicky Hauffman, “Mas matindi ako, ipinangalan ko sa kanya ang mga boys ko. Kenny is my eldest, ang sumunod sa kanya, si Rogers, not Roger, ha?

Totoong-totoo na ang mang-aawit ay mawawala pero ang kanyang mga piyesa ay mananatiling buhay sa ating puso at diwa. Sa mga alaala ng ating nakaraan. Malungkot man o masaya.

Tulad ng mga awitin ni Kenny Rogers.

KENNY ROGERS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with