Matteo Guidicelli nakalikom ng P4M para sa mga apektado ng COVID-19
MANILA, Philippines — Matapos ni Bela Badilla, isa na namang Pinoy celebrity ang nakalikom ng milyun-milyong halaga bilang tulong sa mga apektado ng pagkalat nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa loob ng limang oras, umabot nang P4,030,932 ang perang nakolekta nina Matteo Guidicelli sa kanyang "One Voice Pilipinas" livestream sa Facebook, Linggo.
Alas-dose ng tanghali nang magsimulang mag-stream ang fundraiser ng aktor, na nagtampok sa online performances ni Kean Cipirano ng Calla Lily, Ed Madela.
Nag-perform din sa nasabing palabas ang misis ni Matteo na si Sarah Geronimo, na umawit ng worship song na "Oceans" kasama ang singer na si Janine Tenoso.
Nakipag-tulungan ang aktor sa Philippine Army, kung saan siya miyembro, at sa isang tanyag na membership superstore upang maisakatuparan ang nasabing fundraiser.
"Mapapalakas tayo ng pagkakaisa, lalo na sa ganitong panahon ng kagitan," sabi ni Matteo sa Inggles.
"Magdadala ng kaginhawaan sa kapwa natin Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic ang inyong donasyon."
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang makakolekta ng P3.3 milyon si Bela para sa mga manlalako sa kalsadang walang benta dahil sa pagdedeklara ng "enhanced community quarantine" ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon.
Nagawa ito ng aktres sa loob ng dalawang araw, malayo sa nauna niyang P1 milyong target. — James Relativo
- Latest