Mga testigo ni Jiro, lumutang sa social media
Ang sinaksak daw ang unang namukpok
Habang ang lumalabas na balita sa lahat halos ng mga diyaryo ay ang pagsasampa ng kasong frustrated homicide laban sa dating child actor na si Jiro Manio, sa social media naman ay naglalabasan ang ilang testigo na nagsasabing kaya lamang nasaksak ni Jiro ang biktimang kinilalang si Zeus Doctolero ay dahil sa pagtatanggol lamang noon sa kanyang sarili matapos siyang pukpukin ng helmet.
May dalawang testigong malayang nagpahayag sa social media. Ang isa ay nagpakilalang si Genevieve Galvez na nagsabi pang ang sinasabing biktima ay kanyang “stalker” at diumano ay hindi naman kilala ni Jiro. Pero nagpunta nga raw iyon sa Marikina dahil siya ang pinupuntahan nang makaaway si Jiro matapos na magbintang na tiningnan siya nang masama ng actor.
Ang isa naman ay may pangalang Allan Tembong Llianko, na nagsabing nakita niya ang lahat ng nangyari. Kasama raw ang mga taong nasa “park” noon, nakita nila na pinukpok si Jiro at dahil doon ay nagsimula nga ang away. Taliwas iyan sa unang statement na naglalakad lang ang biktima nang biglang sugurin ng actor.
Pero sinasabi nga ng pulisya, hindi puwedeng sa social media sila magsasalita.
Kung gusto nilang magbigay ng kanilang statement, dapat silang pumunta sa prisinto mismo at doon magbigay ng isang sinumpaang pahayag sa imbestigador. Maaari rin silang magpatulong sa isang abogado sa paggawa ng kanilang statement. May mga abogado naman ng PAO na hindi kailangang bayaran.
Kung magbibigay sila ng opisyal na statement, doon lamang kikilalanin ng pulisya kung ano man ang kanilang testimonya, at kung naniniwala nga sila na walang kasalanan si Jiro, dapat gawin nila iyon.
Talaga namang ganyan ang istorya, laging may dalawang mukha.
Joshua at Janella nagkatuluyan?!
“Huwag kang magkakamaling i-endorse iyong JoshNella, baka ma-unfollow ka rin,” ganyan na pala ang biruan ngayon maging ng mga kapwa nila artista.
Nagsimula raw iyon sa victory party ng natapos nilang serye, kung saan nag-duet sina Janella Salvador at Joshua Garcia, at habang kumakanta ay nakantiyawan na masyado yata silang sweet sa isa’t isa. Marami nga ang humuhulang baka totoo na ang JoshNella.
Ang kasunod daw na nangyari, lahat silang nag-post noon ay na-unfollow ng isa nilang social media friend. Hindi naman sumama ang loob nila. Hindi rin naman sila nagtaka. Actually pinagtatawanan nila at mukhang ginagawa pang biro iyong “i-unfollow kita”.
Nasa pakikisama kasi iyan eh, para makuha mo ang simpatiya maging ng mga kasamahan mo.
Relief goods para sa Taal evacuees maraming hindi nabibiyayaan
Traffic ang SLEX dahil sa rami ng mga dumarayong pribadong sasakyan na may mga dalang relief goods para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal. Bukod sa traffic sa kalye, nagiging uneven ang distribution ng relief goods, dahil kung saan na lang nila maibagsak iyon, doon na lang. Kaya tama ang ginawa ni Piolo Pascual na sa halip na basta pumunta sa evacuation center, nagpunta muna kina Ate Vi sa Barangay Inosluban, at doon nagtanong kung saan daw kaya mas kailangan ang dala niya. Maaaring gawin din iyon ng iba. Mayroon pa, doon sa mga madre sa Mother Barbara Micarelli School. O kung nasa Maynila kayo, maaari ring dahil na lang iyan sa simbahan ng San Pedro Bautista sa QC, kung saan naroroon ang Lingap Franciscano na maaaring magpadala ng inyong relief goods kung saan talagang kailangan, hindi pa kayo bibiyahe nang malayo.
- Latest