Summer Filmfest go na go na!
Tuloy na tuloy ang Metro Manila Summer Film Festival 2020 sa April 11 at ayon ito sa mga opisyal ng MMDA na nagpatawag ng presscon noong Miyerkules.
Sayang nga at hindi ako nakapunta nang humarap sa mga miyembro ng press sina MMDA General Manager Jojo Garcia at MMDA Chairman Danilo Lim dahil kinumpirma nila na opisyal na magsisimula sa Black Saturday ang unang edition ng Metro Manila Summer Film Festival na ngayon pa lang, marami na ang mga movie producer na nagpahayag ng pagsali.
Ang sabi ni Noel Ferrer, na spokesperson ng MMFF, na napatunayan na marami ang nanonood ng sine tuwing Black Saturday dahil nanggaling ang lahat sa pangingilin. Kung tuwing Pasko nga naman ang Metro Manila Film Festival, pasok naman sa Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday ang Summer Film Festival na idea ni Senator Bong Go dahil sa kagustuhan nito na matulungan ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Bongga ka Sen. Bong Go. Go go Summer Filmfest.
Mga kababayan natin mas takot mawalan ng trabaho kesa sa giyera
Kung minsan, sobrang tigas din ng ulo ng mga kababayan natin Salve. Napanood ko sa TV na talagang pinaghahandaan na ng OWWA at DOLE ang paglikas o evacuation na gagawin para sa mga OFW sa Middle East.
Willing ang Philippine government na gastusan ang paglikas ng ating mga kababayan pero ayaw bumalik sa Pilipinas ng karamihan.
Naging ugali na ng ilang mga Pilipino na habang hindi nakikita na nasa harap na nila ang panganib, saka lamang sila kumikilos.
Parang walang takot sa nagbabadya na giyera ang mga Pinoy dahil lumalabas na mas matindi pa ang takot nila na wala silang mga trabaho kapag bumalik sa Pilipinas. Worried din sila na baka wala na silang balikan kapag umalis sila sa Middle East.
Sa mga ganitong sitwasyon natin napapatunayan kung gaano ka-importante sa isang ama at ina ang pamilya na iniwan nila sa Pilipinas.
Hindi bale na ang panganib at bale-wala sa kanila ang kaligtasan dahil higit na mahalaga ang mga trabaho na bumubuhay sa pamilya nila kaya lalong dapat mahalin ang mga magulang na nagsasakripisyo sa ibang bansa. Ipagdasal natin ang kanilang kaligtasan.
Pres. Widodo palaban
Naiinggit naman ako sa Indonesia na buong ningning na gustong labanan ang China sa territorial ownership ng isang island.
Para bang ang lakas ng loob na nila na magsabi ng “Hoy huwag mong angkinin ang amin.”
Hindi ko naman sinasabi na sana ganoon din ang maging reaksyon ng mga Pilipino sa isyu ng pag-angkin ng China sa Spratly Island pero bongga talaga ang mga Indonesian.
Hindi sila nagpapadala sa takot o sa anumang kagustuhan ng China na mangyari. Hinaharang ng Indonesia ang plano ng China.
Nagpadala agad ang Indonesian government ng navy personnel na magbabantay para hindi masakop ng China ang kanilang isla. Bongga!
Parang Indonesian President Joko Widodo is the man, willing to fight ang peg niya.
Biglang parang ang pogi-pogi niya sa paningin ng lahat. Sa leader talaga, dapat na marunong ka ng art of standing tall.
‘Yung ipakikita mo na lahat kakayanin mo, kahit malaki at malakas ang mga kalaban. Bongga ka President Widodo, Salute!
- Latest