Catriona, Jokoy, Rachelle, Alex at iba pa, bibigyan ng Star sa Walk of Fame
Nagkaroon lang pala ng delay dahil naging busy rin naman si Federico Moreno sa nagtapos na SEA Games kung saan naging participant din ang kanyang anak na isa sa ating mga champion sa archery. Pero sa darating na Sabado, January 12, ilalagay nila ang stars ng mga napili nilang personalidad para sa Walk of Fame Philippines sa Eastwood.
Nakapag-meeting na ang kanilang board, at napagkasunduan kung sinu-sino nga ang pararangalan this year noon pang nakaraang taon. Na-delay nga lang ang paglalagay nila, pero kasabihan nga huli man at magaling maihahabol din naman, at sinasabi nga ni Federico na ang paglalagay ng bagong stars sa Walk of Fame ay magiging memorable hindi lamang para sa inductees kundi lalo na para sa fans na dadalo at sasaksi sa kanilang okasyon.
Ang bibigyan ng parangal sa taong ito ay sina Kim Atienza, Catriona Gray, Jokoy, Rachelle Ann Go, Nanette Inventor, Bro. Jun Banaag, Jiggy Manicad at Alex Gonzaga.
Ang mga kategorya naman ay sa telebisyon, mga nagbigay ng karangalan sa ating bansa sa mga international competitions, radyo at nadagdag ngayon sa kanilang category ang personalidad sa social media.
Ang Walk of Fame ay sinimulan ng Master Showman na si German Moreno noong 2005, na ang layunin ay mabigyang parangal ang lahat ng mga may kinalaman sa entertainment at related media na nagbigay na rin ng karangalan at mga katangi-tanging kontribusyon sa industriya.
Noon pa umpisa, hanggang siya ay yumao, mag-isang itinaguyod ni Kuya Germs ang pagpapatuloy ng Walk of Fame, lahat ng gastos galing sa kanyang bulsa, maparangalan lang ang mga kapwa niya artista.
Iyan naman ay itinutuloy ngayon ng kanyang anak na si Federico Moreno.
ABS-CBN nangangamoy second chance ang franchise
Mukhang lumilinaw daw ang chances ng ABS-CBN na madugtungan pa ang kanilang franchise dahil maraming mga kongresista na kaalyado ng presidente ay payag na bigyan ng franchise ang network. Iyan ay sa kabila ng pagtiyak ng pangulo na hindi niya pipirmahan ang franchise.
Pero kailangan ba talaga ang pirma ng presidente?
Ang franchise ay tinatawag na “Act of Congress”. Oras na maipasa iyan sa Kamara, iaakyat naman iyan sa senado kung saan may nag-aabang na ring kagaya ring bill. Mukhang lulusot naman iyan sa senado dahil maging si Senate President Tito Sotto ay naniniwalang dapat bigyan ng franchise ang network. Tapos ipapasa iyan sa Malacañang para pirmahan ng presidente at maging isang batas.
Kung tatanggi ang presidente na pirmahan iyan, maglalagay siya ng kanyang comment sa panukalang batas at ibabalik niya iyan sa kongreso. Kung muling ibabalik ng kongreso sa Malacañang ang panukalang batas, pirmahan man iyan ng pangulo o hindi, magkakabisa iyan bilang isang batas pagkatapos ng tatlumpung araw.
Ang tanong, aabot kaya ang lahat nang iyan bago mag-Marso 20 ng taong ito? Kung hindi, masasara rin kahit na ilang araw ang ABS-CBN.
Pero sa nakikita naming itinatakbo ng kaisipan ng mga kongresista at mga senador sa ngayon, mukhang mabubuksan ang network at hindi nila susundin si Presidente Rodrigo Duterte na ayaw nang ipa-extend ang franchise ng network.
Pagkatapos niyan, at saka naman natin malalaman kung ano ang mangyayaring iba pa.
- Latest