Pagkapanalong best actor ni Allen, hindi inaasahan, Juday waging best actress!
Madagdagan kaya ng sinehan?
Hinakot ng pelikulang Mindanao ang halos lahat na major awards sa katatapos lang na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival.
Tumama ang hula ng karamihan na makukuha ni Judy Ann Santos ang Best Actress trophy, pero hindi inaasahang makukuha rin ng lead actor ng Mindanao na si Allen Dizon ang Best Actor trophy.
Kaya may slight na patama ang post ng manager niyang si Dennis Evangelista na nabasa raw niya ang fearless forecast, na meron pa raw nag-announce sa TV na parang sure na tama sila.
Sabi nga niya sa kanyang FB post; “Okay lang po yun, nakatulong po siya para hindi umasa ang aking artista. Lahat tayu ay may kanya-kanyang opinyon. Niri-respeto po namin siya.
“Ang importante si Allen ang nanalo. Peace!!”
Labing-isang awards na nakopo ng Mindanao at walo sa Write About Love at tatlo ang nakuhang awards ng Sunod na itong tatlo lang naman ang naglaban-laban sa mga award at ang top three Best Picture.
Masasabing maganda ang last quarter ng career ni Judy Ann Santos dahil tuluy-tuloy ang mga suwerteng dumating sa kanya.
Pagkatapos siyang kilalaning Best Actress sa Cairo International Film Festival, eto naman ngayon sa MMFF.
Post niya sa kanyang Instagram account; “Woooohhh!!! Lord! Grabe ka sa akin this year! I am beyond grateful! Maraming maraming salamat sa bumubuo ng MMFF, MMDA sa parangal na ito…to the whole team of Mindanao, Congratulations for bagging 11 awards!!”
Nagpasalamat siya kay direk Brillante Mendoza na sa kanya ipinagkatiwala ang role na Saima.
Nagpasalamat siya sa mga nag-ayos sa kanya sa awards night at sa kanyang asawang si Ryan Agoncillo at sa kanilang mga anak.
Masaya na rin kami sa mga napanalunan ng Write About Love, lalo na ang Best Supporting Actress na si Yeng Constantino na gustung-gusto namin sa naturang pelikula.
Doon sa Gabi ng Parangal ay kaabang-abang din ang paggawad ng Hall of Fame awards sa mga nagwagi ng tatlo at mahigit pang awards sa MMFF.
Mas inabangan siyempre ang mga Hall of Famers sa Best Actor at Best Actress.
Tatlo ang ginawaran ng Hall of Fame sa Best Actor, dumating sina Christopher de Leon at Cesar Montano na pareho nilang inalay sa Panginoon ang naturang parangal.
Matagal nang namayapa ang isa pang hall of famer na si Anthony Alonzo.
Sa Best Actress naman ay tanging si Amy Austria lang ang nakadalo.
Hindi sinabi kung bakit hindi nakarating sina Nora Aunor at Maricel Soriano.
Si Ricky Lee ang tumanggap ng award at si Meryl Soriano naman ang tumanggap ng para sa tiyahin niyang si Maricel.
Ang sabi naman sa mga taga-MMFF, papunta na raw si Cong. Vilma Santos, pero nagkaroon daw ng wardrobe malfunction ang suot niya, kaya bumalik na lang daw siya.
Pinaghandaan pa naman ni Amy ang moment na iyun dahil bihira lang daw na makasama niya sa isang entablado ang mga iginagalang niyang sina Vilma, Nora at Maricel. Iyun pala, siya lang mag-iisang tatanggap.
Sa Best Supporting Actress category, hindi nakadalo sina Eugene Domingo na nasa ibang bansa pa, at si Cherie Gil na walang pasabi kung bakit hindi siya nakadalo.
Ang inaasahan na lang ng mga taga-MMFF ay sana malaki ang maitulong ng mga award na natanggap para makabuwelo sa takilya ang Mindanao, Write About Love, Sunod, at Culion
Okay naman ang takbo sa box-office ng mga walang napanalunang award, kaya hindi na nila kailangan ng awards para panoorin sila ng mga tao.
Pakiusap nga ng spokesperson ng MMFF na si Noel Ferrer; “Uulit-ulitin ko ang panawagan sa audiences, naigawad na ang mga award.
“May mga mahuhusay na pelikula. Sana naman ay tangkilikin niyo ang hinihiling ninyong maayos na pelikula.”
Samantala, wala pang inilalabas na figures ang MMFF Execom dahil tatapusin muna raw ang filmfest para hindi makaapekto sa ilang entries.
Pero nag-post na si Vice Ganda ng pahiwatig na naka-100M ang pelikula niyang The Mall The Merrier sa dalawang araw na showing nito.
Ang nabalitaan namin, naka-146M daw ang first day gross ng walong pelikulang kalahok.
Hindi nito naabot ang MMFF nung nakaraang taon na mahigit 170M ang kinita nito sa first day of showing.
- Latest