MMFF 2019 maliit ang kita kesa noong 2018
Kinumpirma ng aming source na mas mababa raw ng 30% ang first day gross ng Metro Manila Film Festival 2019 kung ikumpara nung nakaraang taon.
Malaki raw kasi ang epekto ng bagyong Ursula na sumalanta sa ilang lalawigan ng Kabisayaan at Mindanao.
Nagsara raw ang ilang sinehan doon, at siyempre ang concern naman ng mga kababayan natin doon ay kung paano nila maayos ang mga nasira sa kanilang tahanan at hindi ang panonood ng sine.
Pero sabi ng spokesperson ng MMFF na kaibigan nating si Noel Ferrer; “Despite the typhoon and the closing of some malls/cinemas in Visayas and Mindanao, our first day MMFF gross this year is comparable to last year’s successful opening.”
Ayon sa initial report na nakuha namin nung nakaraang Miyerkules ng hapon, nangunguna raw sa takilya ang The Mall, The Merrier nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Ito naman ang inaasahan ng lahat dahil malakas pa rin talaga ang mga pelikula ni Vice Ganda.
Sumunod daw sa The Mall.. ang 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon nina Coco Martin, Jennylyn Mercado at AiAi delas Alas, pumangatlo ang Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach, at pang-apat ang Mission Unstapabol: The Don Identity nina Vic Sotto at Maine Mendoza.
Maganda rin daw ang resulta ng ilan pang pelikulang kalahok, pero sana hindi magkakalayo ang agwat. Wala kasing inilalabas na figures ang MMFF Execom kaya abangan na lang natin pagkatapos ng filmfest.
Pero hindi pa natin sure ito lahat dahil depende pa ‘yan kung alin ang hahakot ng awards sa December 27 na tiyak na makakaapekto ito sa box-office.
Abangan na lang natin ang mga susunod na magaganap sa MMFF 2019. Basta patuloy lang sana nating tangkilikin ang pelikulang Pilipino.
Asian International Film Festival Arizona nagkaroon ng launching
Tuwang-tuwa naman ang character actor at nagdidirek na rin na si Ihman Esturco dahil naging successful ang launching ng Asian International Film Festival Arizona na ini-organize niya sa Tempe, Arizona.
Ginanap ang naturang festival sa Pollack Tempe cinemas sa Arizona, USA nung nakaraang December 6 hanggang 8.
Sampung Asian countries ang dumalo na nagpadala ng kanilang pelikula para maipalabas roon sa tulong na rin ng program director na si Evelyn Vargas na siyang nag-imbita sa iba’t ibang Asian countries na sumali.
Dumalo roon si Bembol Rocco para i-represent ang opening film na Dark is the Night na dinirek ni Adolf Alix.
Bahagi ng kuwento ni Ihman; “Dumating doon si Brian Wong, ang executive assistant ng Governor para basahin yung kanyang declaration ng governor na officially itong December is AIFFA month.
“First edition of the festival is next year. This year, launch lang siya, parang taste of AIFFA lang.
“Binigyan namin doon ng recognition si Bembol.
“Nagkaroon kami ng regular screening ng Saturday. Ten films lang yun from other Asian countries. Mga award-winning films yun sa ibang bansa.”
Naisip lang daw ito ni Ihman nang nakita niya ang binuong Philippine International Film Festival ni Evelyn Vargas.
Kaya, sa taong 2020 ang simula ng Asian International Film Festival Arizona na kung saan ibibigay daw nila ang focus sa mga pelikula ng Pilipinas.
“Next year, focus on Philippine Cinema ang AIFFA. Merong main competition, merong outlook section mga young filmmakers, tapos may Focus, at meron ding Retrospective,” dagdag niyang pahayag.
Nakipag-coordinate na raw si Evelyn kay Liza Diño dahil nga kasabay na rin ng pagdiriwang ng 100 Years of Philippine Cinema, ibibigay daw nila sa Pilipinas ang focus at magbibigay na rin daw sila ng parangal sa mga kilalang artista ng Pilipinas na naka-base na sa Amerika. Isa na rito si Hilda Koronel.
Malaki ang pasasalamat ni Ihman sa lahat na mga participating countries kagaya ng Singapore, Indonesia, Japan, Laos, Kazakhstan, at marami pa para maging successful ang naturang launch.
Malaki raw ang naitulong ng Valley real estate entrepreneur at philanthropist na si Michael Pollack na ibinigay ang kanyang cinemas na pinagdausan ng naturang filmfest.
- Latest