Bela gustong idirek si Liza
Bukod sa pagiging aktres at manunulat sa pelikula ay sasabak na rin sI Bela Padilla sa pagiging isang direktor. Ayon sa dalaga ay mayroong siyang naisulat na isang istorya para sa pelikula at nagpaplano nang simulang gawin sa susunod na taon.
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto ni Bela na si Liza Soberano ang magbida sa bagong proyektong gagawin. “Actually matagal na siyang gustong ipagawa sa akin ni Tita Malou (Santos) for Star Cinema. Marami kaming kino-consider, pero ako personally gusto kong makatrabaho kasi si Liza Soberano, so sana. Tingnan natin kung tatanggapin niya ito. Sana tanggapin niya at sana magustuhan niya. Kasi magpi-pitch pa lang kami sa kanya. Liza, nananawagan ako,” nakangiting pahayag ni Bela.
Personal na nagustuhan ng aktres na maging bida si Liza sa gagawing pelikula dahil sa ilang mga kadahilanan. “Bukod sa napakaganda niyang mukha, parang may nakikita akong aura sa kanya na napakabait niyang tao. ‘Yung character kasi bagay sa kanya. ‘Di ba ‘pag nakikita mo si Liza, parang ang bait-bait na bata,” paliwanag niya.
Samantala, kahit walang karelasyon ay masaya naman daw si Bela dahil kabi-kabila ang ginagawang proyekto. “Minsan nararamdaman ko na hindi ko naaayos ‘yung personal life ko. Kasi iniintindi ko ‘yung roles, kasi gusto mong tutukan. But I’m very happy naman where I am now as a person. Alam ko naman na marami na rin akong kailangang gawin especially 27 (years old) na ako ngayon. Baka nga dapat tigil-tigilan ko munang magtrabaho. Ilang taon ko nang iniisip na paano kaya ako kung kunyari magkakaroon ako ng boyfriend, eh nagte-taping ako, hindi mo rin mabibigay ‘yung oras mo, ” natatawang pahayag ng aktres.
Wala munang pelikula at TV Jadine, music muna ang pagkakaabalahan sa 2020
Walang pelikula o teleserye ngayon si James Reid. Abala sa record label na Careless Music Manila ang aktor na sarili nitong negosyo. Nagsimula noong 2017 ang naturang negosyo ni James at sa susunod na taon ay ang musika muna ang pagtutuunan ng panahon ng binata. “For 2020 for sure gusto kong mag-focus muna sa music. I’ve invested a lot of time and money to Careless. I want to see how far we can push it, how far we can go and how far I can take my music career,” pahayag ni James.
Maging ang kasintahang si Nadine Lustre ay musika rin muna ang pagkakaabalahan sa 2020. “Maraming hindi nakakaalam pero sa music talaga ako nag-start. Nag-start talaga ako as a performer so iba kasi ‘yung feeling na nakukuha ko ‘pag nagpe-perform ako onstage than acting. I want to focus on music kasi last year puro movies ako. So ito naman ang gusto kong puntahan for 2020,” pagbabahagi ni Nadine. (Reports from JCC)
- Latest