Aktor na maraming pangakong ‘di natupad, sinusumpa ng anak!
Maipanalo man ng isang kontrobersiyal na male personality ang pakikipaglaban niya sa aspeto ng pakikipagrelasyon ay may matinding problema pa rin siyang dapat asikasuhin.
Kailangan niyang butasin ang pader na nakapagitan sa kanila ng kanyang anak, binata na ito ngayon, kayang-kaya na nitong maglabas ng kanyang mga saloobin kontra sa kanyang ama.
Kuwento ng isang source na nakasaksi sa paglaki ng anak sa isang aktres ng male personality, “Marami kasing naaalala ang bagets, e. Hindi niya nakakalimutan ang mga panahong puro paasa lang ang ginagawa ng father niya sa kanya.
“Mangangako siyang susunduin ang bagets, maghahanda naman ang bata, pero nagkakandatulog na ang anak niya sa kahihintay, e, hindi naman siya dumarating.
“Very sensitive ang mga batang produkto ng broken home. Marami silang kulang sa buhay, kaya gusto nilang kahit sa malayuan, e, punuan ‘yun ng parents nila.
“Pero kung puro pangako nga lang ang ginagawa sa kanya, e, dadalhin niya ‘yun hanggang sa paglaki niya,” buwena-manong reaksiyon ng aming impormante.
Lumaki ang bagets na ang kasama lang nito ay ang kanyang mga lolo at lola, ang palaban nitong ina, at ang kanyang kapatid.
Patuloy ng aming source, “Sabihin na nating batambata pa kasi sila nu’ng female personality nu’ng mag-asawa sila, bakit, hanggang nu’ng mga sumunod na maraming taon ba, e, bata pa rin siya?
“Nakakatawa nga ang comment ng mga friends nila, mas nauna pa raw yatang nag-mature ang anak niya kesa sa kanya. Nabuhay ang bagets sa puro mga pangako ng tatay niya na palagi lang namang napapako.
“Ni hindi niya tinatawagan, hindi man lang kinukumusta, kaya ganyan na lang ang sama ng loob ng bagets sa father niya!” madiing komento pa ng aming source.
Nakasalang ngayon sa matinding kontrobersiya ang male personality. May bago siyang karelasyon habang naghahabol naman ang dati niyang ka-live-in para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Panghuling mensahe ng aming source, “Kahit makakampi pa ng male personality ang buong mundo, e, balewala ‘yun kung ganyan na may isang direktang kadugo niya na may mga sama ng loob sa kanya!
“Kailangan niyang ayusin ang problema nilang mag-ama para hindi nakikisimpatya ang bagets sa babaeng nakahiwalay niya!”
Ubos!
Willie absuwelto sa copyright infringements
Pagkatapos nang siyam na mahahabang taon ay nakaalpas din si Willie Revillame sa mga kasong isinampa laban sa kanya ng ABS-CBN nu’ng lumipat siya sa TV5.
Taong 2010 nang sampahan siya nang patung-patong na kaso ng copyright infringement ng Dos, forum shopping pa nga ang ginawa ng network, dahil hinainan siya ng mga kaso sa iba-ibang korte.
Pero walang kuwentong hindi natatapos, ordinaryo man ang istorya o legal, kamakailan ay naglabas ng desisyon ang Supreme Court pagkatapos nang halos sampung taon nilang paghaharap sa korte.
Panalo si Willie Revillame! Wala siyang pananagutang dapat ikabahala sa 127M na kasong isinampa laban sa kanya ng ABS-CBN sa paratang na ginaya lang niya ang konsepto ng Wowowee nang tanggapin niya ang game show na Willing-Willie sa TV5.
Nang isampa ng network ang kaso ay pinalitan ang title ng kanyang programa, ang sumunod na naging titulo na ay Will Time, Big Time, hanggang sa lumipat na siya sa GMA-7 sa matagumpay niyang game show na Wowowin.
Isang malaking tinik ang nabunot sa lalamunan ni Willie. Tumatanaw siya nang malaking utang na loob sa ABS-CBN, kailanman ay hindi niya maaaring kalimutan ang paglingon, pero kinailangan niyang ipagtanggol ang kanyang sarili sa mga akusasyong isinampal laban sa kanya ng network.
Sabi ng kaibigan naming propesor, “Mapagbiro talaga ang kapalaran. Ilang taon na nawalan ng katahimikan ng kalooban si Willie Revillame dahil sa mga demandang hinarap niya kontra sa pinanggalingan niyang network.
“Pero baligtad na ang kapalaran ngayon. Absuwelto si Willie, final and executory na ‘yun dahil galing sa Supreme Court, pero ang ABS-CBN naman ang nahaharap ngayon sa mas matinding problema.
“Hanggang sa March na lang ang lisensiya nila, wala pang katiyakan kung mare-renew ang franchise nila, dahil nagsalita na si PRRD na sisiguruhin niyang hindi makapagre-renew ng franchise ang network.
“Umiikot lang talaga ang gulong ng buhay. ‘Yung nasa ilalim nu’n ang nasa ibabaw naman ngayon,” makahulugang komento ni prop.
- Latest