Video ng 'away' ng Barretto sisters sa burol ng ama inilabas ni Gretchen
MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang paglalantad ng mga magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine Baretto ngayong Biyernes patungkol sa nangyaring tensyon sa burol ng kanilang ama.
Sa kanyang Instagram ngayong Biyernes, nagpaskil si Gretchen ng isang video na naglalaman daw ng mga totoong nangyari sa wake.
Nagkagulo kamakailan sa lamay ni Miguel Baretto, kanilang tatay, nang magpang-abot ang tatlo.
"Hindi fake news ang video na ito taliwas sa sinasabi ni Marjorie Baldivia [Echiverri]," paliwanag ni Gretchen sa Inggles.
Bagama't hindi malinaw kung ano ang nangyayari sa video, na ipinasa raw sa kanya ng isang Marisol Acap, kapansin-pansin na tila nagtataasan ng boses ang mga tao.
Matagal nang napalayo ang loob ng pamilya Barretto kay Gretchen, ngunit minabuting makipag-ayos sa kanilang pamilya, kasama ang kanilang inang si Inday na una nang "nagtakwil" sa kanya.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Gretchen na ayos naman daw ang lahat nang bigla na lang daw mag-"nervous breakdown" si Marjorie.
Pinagkakamay pa nga raw sila ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nakiramay rin sa kanila, ngunit sinabi niyang hindi masaya si Marjorie na naroon siya.
"FYI nakipag-usap sa akin si mom at siniguro sa lahat na ibubulgar niya ang lahat tungkol sa away ng pamilya namin, 'yung birthday ni dad at kung sino ang nagsanhi ng atake ng tatay ko," patuloy ni Greta.
Matatandaang nagkalamat lalo sa kanilang pamilya nang kampihan ni Gretchen si Bea Alonzo nang mapabalitang may kinalaman si Julia Barretto sa hiwalayan nila ni Gerald Anderson. Si Julia ay anak ni Marjorie.
Kanina, matatandaang bumira rin sa kanyang Instagram account si Marjorie, dahil sa mga diumano'y kasinungalingan na ikinakalat daw ng kanyang mga kapatid laban sa kanya at kanyang mga anak.
"Ang paglalabas ng mga gawa-gawang pahayag sa press, ang pagbabaluktot sa totoong nangyari sa burol 'yon ang pinakamatindi," wika ni Marjorie.
Aniya, ilang taon na raw nilang sinusubukang sirain ang kanyang pangalan ngunit wala na raw mawawala sa kanya.
"Mahal na mahal ko ang pamilya ko, sa aking kaibibutan. Gustung-gusto kong makipagbati," dagdag niya.
"Ayos sana kung nakipag-ayos siya noong sa kwarto ng papa. Walang camera. Huwag kayong magpapaloko sa mga sinasabi ng mga kapatid ko."
Samantala, isinugod naman si Claudine noong Huwebes ng gabi matapos daw ang komprontasyon kay Marjorie.
Ayon kay Ruby Baguhin, staff member ng isa pang Barretto, si Marjorie raw ang nanakit sa kanya.
Pero nanindigan si Marjorie na wala itong katotohanan: "[O]ras na mahimlaw siya [ang aking ama], sasabihin ko ang buong katotohanan."
Taong 2019 nang magkaayos sina Claudine at Gretchen.
Libelo, damayan ng karelasyon
Samantala, maging ang ang mga karelasyon nina Gretchen at Marjorie, hindi nakalusot sa iringan.
Kanina, naungkat naman ni Marjorie na makapangyarihan "in a bad way" ang kasintahan ni Gretchen na si Tony Boy Cojuanco.
"[K]apag sinabi ko ang katotohanan, mapapahamak ang buhay ko pati ang mga anak ko," sabi niya.
Pero binweltahan ito ni Greta. Mapangyarihan sa mabuting paraan naman daw si Tony Boy, hindi katulad ng boyfriend diumano ni Marojie na si Caloocan Rep. Recom Echiverri.
"Sari-saring kaso ng kalitwalian... sari-saring kaso ng pangmo-molestiya," sabi ni Gretchen.
Nakatakda rin daw na magkaso ng molestation case si Claudine laban sa nobyo ni Marjorie.
Hindi rin daw natatakot si Greta sa bantang libelo.
'Parang shooting, pero totoo'
Samantala, ikwinento naman ng dating special assistant to the president na si Sen. Bong Go ang nasaksihan niya nang makita ang nangyari.
"'Dun ako nakakita ng parang totoong eksena parang shooting... sinubukan lang po ng pangulo na mamagitan sa kanila at maayos ang lahat," ani Go sa ulat ng GMA.
Nagpasalamat naman si Marjorie sa pakikiramay ni Digong sa kanilang pamilya.
"Humihingi ako ng tawad na nadawit na ang pangalan niyo rito. Napakabait niyo sa akin," kanyang panapos.
- Latest