Pelikula tinanggal sa Vietnam dahil sa '9-dash line' map ng Tsina sa eksena
MANILA, Philippines — Hindi na mapapanuod ang animated film na "Abominable" sa mga sinehan ng Vietnam kasunod ng isang kontrobersyal na eksenang kumikilala sa pag-angkin ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo, pagkukumpirma ng gobyerno ng Hanoi.
Sa isang eksena ng pelikula, na tungkol sa kabataang Tsino na tumutulong sa isang halimaw (yeti) na makabalik ng Mount Everest, makikita ang linyang korteng titik-"U" sa mapa ng South China Sea.
Matagal nang ginagamit ito ng Tsina para angkinin ang malaking bahagi ng South China Sea, bagay na matagal nang pinapalagan ng mga bansa gaya ng Vietnam at Pilipinas.
Ayon sa Cinema Department ng Vietnam, hindi na nila ipalalabas sa bansa ang pelikula matapos itong mai-screen doon noong ika-4 ng Oktubre.
"Inaako ko ang responsibilidad [ng pagkakamali]," ayon kay Nguyen Thu Ha, pinuno ng Cinema Department nila sa pahayagang Thanh Nien.
Ani Ha, paaalalahanan niya ang kanyang departamento na maging mas mapagmatyag sa susunod.
Hindi pa naman naglalabas ng pahayag tungkol dito ang censorship department ng Vietnam at DreamWorks.
Ang "Abominable" ay isang joint production ng DreamWorks at Pearl Studio ng Tsina.
Ayon sa AFP, maliban sa nabanggit na pelikula ay una nang dumanas ng editing ang mga palabas gaya ng "Crazy Rich Asians" at "Joker" sa Vietnam,
Pagbalewala sa arbitral award ng 'Pinas?
Noong Hulyo 2016, matatandaang binalewala ng United Nations Convention on the Law of the Sea ang nine-dash line ng Tsina na sumasaklaw sa malaking bahagi ng South China Sea nang katigan nito ang claims ng Pilipinas.
Ang West Philippine Sea, na inaangkin ng Pilipinas at pasok sa exclusive economic zone nito, ay nasa loob ng South China Sea.
Sa kabila ng pagpanig ng UNLOS sa Pilipinas kontra Tsina, okupado at pinangingisdaan pa rin ng Asian giant ang ilang katubigan at isla na dapat kontrolado ng Maynila.
Nagsimula naman ipalabas ang "Abominable" sa Pilipinas nitong ika-2 ng Oktubre. — may mga ulat mula sa Agence France-Presse
- Latest