Juday safe ang pelikula kay Direk Brillante
MANILA, Philippines — Masayang-masaya ang aktres na si Judy Ann Santos dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatrabaho niya ang isa sa pinakamagaling na direktor at filmmaker sa bansa na si Brillante Mendoza sa pelikulang Mindanao kasama si Allen Dizon.
Si Direk Brillante rin ang Pinoy filmmaker na may hawak ng prestihiyosong award na Prix de la mise en scène (Best Director award) sa Cannes Film Festival kung saan meron siyang apat na feature films na ipinalabas. Ito ay ang Serbis, Kinatay, Taklub at Ma’ Rosa.
Ayon kay Juday, sobrang thankful siya na nakatrabaho si Direk Brillante dahil matagal na niya itong gustong makasama sa paggawa ng pelikula. Napanood niya raw ang iba sa mga obra nito at masasabi niyang fan siya ng direktor.
Nang magpa-set nga raw ng meeting si Direk Brillante sa kanya, sobra raw siyang excited at para raw siyang batang kinikilig.
“Sabi ko, thank you Lord, finally, finally! Pero siyempre hinihintay ko rin kung ano yung pelikula, kasi yung mga nakita kong ginawa ni Direk Brillante it’s drug related, it’s ano… so nire-ready ko yung sarili ko kung hanggang saan ko puwedeng i-push yung kapasidad ko, kung kaya ko ba, pero nung ikinuwento naman niya sa akin yung project, safe naman! Hahaha,” kuwento ni Juday sa one-on-one interview na organized ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Magwo-world premiere ang Mindanao sa 24th Busan International Film Festival (BIFF) 2019 na mag-uumpisa sa October 3 hanggang 12, at ayon kay Juday, first time raw niyang rarampa sa red carpet ng isang international film festival. Kasama niyang dadalo ang asawang si Ryan Agoncillo.
Samantala, dalawang taon daw na binuo ang nasabing pelikula at talagang pinag-aralan daw mabuti ni Juday ang kanyang karakter bilang Saima at ang pagiging muslim.
Si Saima Datupalo ay isang inang nag-aalaga sa kanyang anak na may cancer, at ayon sa kanya, naka-relate rin siya sa karakter niyang ito bilang siya rin ay isang nanay. Marami rin daw siyang natutunan sa ginawang pelikula. “Mas lumaki yung respeto ko sa kanya (Direk Brillante), mas lumawak yung pag-intindi ko sa trabaho ko, at mas naging klaro sa akin na ang pagtatrabaho, you take it by heart. You take notes of the things that you have to take,” dagdag ni Juday.
Bukod kay Allen Dizon, makakasama rin niya sina Ketchup Eusebio, Epy Quizon, Richard Manabat, Kiko Matos, JC Tan at Jun Nayra.
- Latest