Ariella umaagaw ng eksena kina Maja at Janella
Nagkabati na’t nagkaayos sina Maxine Medina at Kylie Versoza. Buti naman dahil kailangan nilang maibalik ang maganda nilang imahe para sa patuloy na pag-asenso ng karera nila bilang artista. Lalo na ngayong magtatapos na ang Los Bastardos, baka mahirapan na silang mabigyang muli ng ganito kahalaga at kaimportanteng project.
Samantala, habang nagkakagulo sila ay tahimik namang umaarangkada ni Ariella Arida na nagnanakaw ng atensyon sa pinanonood ngayong The Killer Bride.
Pinaka-magandang proyekto na ito marahil ng Binibining Pilipinas Universe na kumuha naman ng magandang puwesto sa international pageant.
Kontrabida nina Maja Salvador at Janella Salvador ang role ni Ariella sa TKB na mukha namang biktima rin ng kanyang kasakiman at pagiging inggitera.
Surprisingly, maayos niyang naitatawid ang kanyang role. Hindi rin siya napag-iiwanan sa ganda at galing sa pag-arte ng mga co-star niya at sa kanya nakatuon ngayon ang kuwento.
Isa itong malaking treat sa gumagandang karera ng isa sa mga sumasalubong sa mga naghahanap ng balita tuwing umaga sa Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN.
Liza malaking tulong sa PH cinema
Isa na namang tagumpay ni Liza Diño-Seguerra ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang katatapos na Pista ng Pelikulang Pilipino 2019. Kumitang lahat ang 10 pelikula na sumali sa event at mahigit P100-M ang ipinasok nito sa takilya.
Top-grosser ang The Panti Sisters ng IdeaFirst Company pero, hindi rin naman kinulang sa manonood ang Cuddle Weather, I’m Ellenya L., Open, Pagbalik, Lola Igna, Circa, Watch Me Kill, G!, at LSS.
Marami ang bumabati sa chair ng FDCP dahil sa matagumpay niyang pagbuhay ng industriya ng pelikulang lokal. Sapat na ito para magdiwang ang maraming mainstream and independent filmmakers.
Mayro’n na silang kakampi sa pagpigil sa pamamayani ng foreign films at pagpapakilalang muli sa kagandahan ng mga pelikulang Pilipino at kahusayan ng ating mga local filmmaker. Mabuhay ka, Liza!
Kim kayang sumipol ala-Beyoncé!
Ibang klase ang magaganap na premiere night para sa Jowable na launching film ni Kim Molina. Imbes na sa red carpet maglalakad ang lahat ng manonood ng film ay sa isang white carpet sila paparada. Huwag sanang umulan para hindi naman magputik ang lalakaran ng mga bisita.
Kasama ni Kim sa movie ang jowa niyang si Jerald Napoles na kailangang makasanayan pa ni Kim na maka-romantic scenes dahil inamin niyang nailang siya habang gumagawa sila ng mga ganitong eksena ni Jerald.
Deserved ni Kim na mailunsad na sa stardom dahil nagpamalas na siya sa husay sa pag-arte at multi talented pa siya. Gayang-gaya niya ang pagsipol ni Beyoncé sa ginawa niyang pagsipol sa pagkanta ng theme song ng movie niya. Kinaiinisan siya sa kasalukuyan ng mga suki ng Kadenang Ginto dahil contravida ang role niya bilang bff ni Dimples Romana.
Galit din ang mga manonood ng KG kay Richard Yap dahil malabo ang karakter niya, hindi alam kung mabait o salbahe.
Pelikula nina Alex at Empoy, may Indonesian version na
Puwede nang pumasyal si Empoy Marquez sa Indonesia at for sure dudumugin siya, sila ni Alessandra de Rossi. Mayro’n na kasing Indonesian version ang top grossing na movie niyang Kita Kita.
Kung napahanga niya ang maraming manonood na lokal sa naging performance niya sa pelikula, siguradong dun sa Indonesia ay ganun din ang magiging reaksyon nila sa kanya,
Yam handa nang mang-imbiyerna
Mang-iinis na naman si Yam Concepcion ng maraming manonood sa TV dahil sa bago niyang role bilang kontrabida nina Kim Chiu at Xian Lim sa Love Thy Woman. Matatandaang ito ang role na tinanggihan ni Erich Gonzales.
Ayaw ni Erich na maging contravida at hindi naman natin siya masisi dahil minahal siya ng mga manonood sa mga nakaraan niyang projects, ayaw na niyang baguhin ang trato nila sa kanya.
Samantala, enjoy si Yam na mang-inis ng mga manonood, sa pagiging salbahe siya tuluyang nakilala ng mga manonood sa serye niyang Halik. Konsolasyon na lamang niya na masabing pinakamaganda siya at isa sa pinakamagaling na kontrabida natin ngayon.
Humanda ang mga fans nina Kim at Xian sa pagdating niya.
Barbie napariwara sa MMK
Mapapasabak si Barbie Imperial sa aktingan sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya bukas ng gabi. Kuwento ng isang kabataang babae na napariwara dahilan sa kapabayaan ng ina na ginagampanan naman ni Ina Raymundo ang kanyang papel.
Hindi lamang sa aktingan ni-require ang kapasidad ng kabataang artista na mabilis niyang naibigay kundi sa mga ilang maseselang eksena na kinailangan niyang ipakita na karaniwang ginagawa ng mga kabataang hindi nabibigyan ng wastong gabay.
The young actress will once more prove na maraming kabataan na tulad niya ang makakasabay na sa maraming mas may edad na artista na gaya ng ipamamalas nila ni Ina sa MMK.
- Latest