Production staff takot na, guwapong aktor nagiging halimaw ‘pag nagagalit!
Napagtanto na rin ng guwapong aktor na hindi tama ang mga ginawa niyang pagwawala sa taping ng programa niya at humingi naman pala sila ng patawad sa mga nakatrabaho niya bago nila ito natapos.
Likas na mabait naman kasi talaga itong si guwapong aktor, pero iba na siya kapag nagagalit.
Sabi nga ng ilan, dapat dumaan siya sa anger management dahil hindi nakokontrol ang sarili kapag nagagalit.
Sa isang programang siya ang nag-host noon ay biyak ang mesa nang suntukin niya ito dahil nagalit lang sa napakahabang taping nila.
Meron pang gusto niyang sugurin ang grupo ng mga estudyanteng maingay dahil sa hindi raw siya makapag-concentrate sa eksenang kukunan.
Meron ding may mga nasira siyang gamit sa CR nang hindi niya nagustuhan ang ipinagawa sa kanya sa isang eksena.
May isa ring programa na pinaparinggan ang kasamang aktres nang nakarating sa girlfriend niya ang mga pinag-usapan nila sa isa sa mga hintayan nila sa taping.
Hindi talaga siya makontrol kapag galit, pero kapag humupa na ang galit, mabait na at kapag na-realize niyang sobra rin ang nagawa niya, humihingi na ito ng sorry.
Sana mabago niya ang ugaling ito, dahil takot na rin ang ilang production staff kapag kasama siya sa isang show.
Mark dadalhin ng gf sa Amerika
“To infinity and beyond” talaga ang caption ni Mark Herras sa isa sa mga post niya sa kanyang Instagram account kasama ang bagong girlfriend niyang si Nicole Donesa.
Nakikita rin namin sa kanya kung gaano siya kaseryoso sa nakaraang niyang relasyon, kaya ang ibang close friends niya ay napapataas ang kilay dahil napakaaga pa para sabihin niya iyun.
Pero mukhang seryoso na ang Kapuso actor sa bagong relasyon dahil siguro timing na rin na gusto na niyang lumagay sa tahimik.
Tuwing ipinapakilala nga niya sa mga kaibigan si Nicole, sinasabi na sa kanyang pakasalan na niya ito at umaayon naman siya.
Ewan ko kung napapag-usapan na nila ito kahit napakaaga pa, pero ang latest kasing naririnig namin, balak daw ni Nicole na isama si Mark sa Amerika para ipakilala na sa kanyang magulang na naka-base roon.
Ayaw naman ito sagutin ni Mark, pero ayon sa naririnig namin, balak daw ni Nicole na magbakasyon muna sa Amerika para madalaw ang parents niya roon.
Nakikita rin naman nating sandali pa lang noon ang relasyon nina Mayor Richard Gomez at Cong. Lucy Torres, nag-decide silang magpakasal na. Ang ganda naman ng relasyon nilang mag-asawa at sa nakikita natin, lalo naman tumitibay.
Baka nga naman lalong naging responsable si Mark kapag may asawa na ito, dahil parang gustung-gusto na niyang mag-settle down.
Agsunta tinantanan na ang December Avenue!
Sa mga mahihilig sa banda, tiyak na aware sila sa isyu pa rin ng December Avenue at Agsunta na sumiklab kamakailan lang dahil sa pag-cover ng bandang Agsunta sa ilang kanta ng December Avenue na ikinagalit nitong huli.
Pero nilinaw ng mga taga-Agsunta na wala silang nilabag na batas sa YouTube dahil nagbayad sila at in-allow sila na i-upload ito.
Nag-react lang ang taga-December Avenue na lumaki nang lumaki at bandang huli nagpahinga na lang muna ang Agsunta sa YouTube.
Pero dahil na rin sa malakas na clamor ng fans, bumalik ang Agsunta sa social media at nakatatlong single na nga sila na nag-hit naman.
Ngayon ay buhay na buhay na uli sila at nakatakda na silang magkaroon ng concert sa September 21 na gaganapin sa Vertis Tent. Agsunta Feels Trip ang title ng concert na suportado nina Shanti Dope, JM de Guzman with BoybandPH at Regine Velasquez-Alcasid.
Kapag nababanggit si Regine, natataranta na sila dahil dream lang daw nila noon na makasama ang Asia’s Songbird, ngayon ay totoo na.
Hindi pa raw nila napag-usapan kung ano ang kakantahin nila kasama si Regine, pero the fact na makakasama nila ito sa first major concert nila, malaking bagay na raw ito.
Itong Agsunta Feels Trip concert ay prinodyus ng One Music PH at PPL Entertainment. Puwede kayong bumili ng tickets sa ABS-CBN KTX.
Nora inaabangan kung lilitaw sa Pinoy Playlist kahit walang TF
Mapapanood na ang 2nd edition ng Pinoy Playlist Music Festival (PPMF) sa Oktubre 11, 12, 13, 18, 19 at 20 na gaganapin sa BGC Arts Center, Taguig City.
Sabi ng National Artist at isa sa mga curators nito na si Maestro Ryan Cayabyab, ang collaborations ang isa sa bagong aabangan sa malaking music event na ito. “Some of the collaborations will be.. like father and daughter. Collaborations with the band and big singer,” pakli ni Mr. C.
Kaya nga sa press launch nito na ginanap sa BGC Arts Center nung nakaraang Biyernes, nagpa-sample si Jay Durias kasama ang mga anak niyang magaling mag-drums at guitar, na tinawag niya ang grupo nilang Bandurias.
Isa sa dagdag pa na abangan ngayong taon ay ang pagawad ng 2019 Ryan Cayabyab Award for Musical Excellence kay Basil Valdez.
Bibigyan din ng pagpupugay sa In Memoriam segment si Jacqui Magno, na isa sa performers last year. Pati sina Rico J. Puno, Pepe Smith at Armida Siguion-Reyna.
Doon daw sasali ang ilang miyembro ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit. Hindi kasi gaanong naramdaman ang partisipasyon ng OPM, na maaring may iba silang plano.
Napag-alaman nga naming nag-commit na raw ang isang opisyal ng OPM na magpi-perform siya, pero binawi rin niya dahil may pumasok palang mas malaking raket.
Pero punung-puno naman ang anim na araw na pagtatanghal dahil umoo naman ang mahigit 100 performers para magiging bahagi dito; gaya nina Martin Nievera, Gary Valenciano, Christopher de Leon, Ricky Davao, Joanna Ampil, Jon Santos, Noel Cabangon, Ebe Dancel, Cookie Chua at Bayang Barrios.
Kasali rin ang mga iba pang mga sikat na banda at grupo gaya ng Itchyworms, Acapellago, Pinopella, Baihana, Ryan Cayabyab Singers, mga produkto ng The Clash na sina Golden Canedo, Jong Mabalibay at Garreto Bolden.
Sabi pa ng curators ding sina Moy Ortiz at Noel Ferrer, ang isa pa raw sanang gusto nilang karirin ay ang partisipasyon ng orihinal na Superstar Nora Aunor.
Alam naman nating hindi na siya makakanta, pero kahit makapanayam o maging bahagi siya sa awarding ay malaking bagay na iyun para sa Pinoy Playlist 2019.
- Latest