Hashtag Wilbert Ross pinagselosan ni Erwan kay Anne!
Naikuwento ni Wilbert Ross na minsan na siyang pinagselosan ng asawa ni Anne Curtis na si Erwan Heussaff dahil sa isang larawang nai-post sa Instagram. Makikita kasing sobrang close ng Hashtags member at ni Anne sa nasabing post. “Nag-picture po kami ni Ate Anne, medyo close nga kami talaga sa picture. Tapos in-upload ko, nakita nila. Tapos kinabukasan, nagkita kami ni Ate Anne, sabi niya, ‘Alam mo ba tinanong ka ni Erwan sa akin. Who’s that guy?’ sabi niya. ‘Alam mo ba, kahit sina Vhong (Navarro) kahit sobrang close ko, wala siyang paki (pakialam). Tapos sa ‘yo talaga bigla siyang nag-text sa akin, who’s that guy?’” nakangiting pahayag ni Wilbert.
Samantala, bukod sa pagsasayaw at pag-arte ay nakakapagsulat din ng kanta ang binata. Base sa personal na karanasan ni Ross ang kantang Maaari Ba na kanyang isinulat sa loob ng ilang araw. “Parang break up song siya Tito Boy. Parang first two weeks ng break up n’yo na ang hirap mag-move on. Nasulat ko siya because of my ex-girlfriend. Every day Tito Boy like this line, kinabukasan itong linya. Tagpi-tagpi po ‘yung pagkakasulat ko. Habang kinakanta ko po ‘yung sinulat ko, naiiyak ako,” pagbabahagi ng aktor.
Janno gustong balikan si Pedro Penduko
Masayang-masaya si Janno Gibbs dahil muli siyang nabigyan ng pagkakataon na makagawa ng pelikula sa Viva Films. Kasamang magbibida ng aktor sina Andrew E. at Dennis Padilla sa Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo na ipalalabas na sa mga sinehan ngayong September 4.
“I think matagal ng wala (comedy films). Kasi usually ngayon, rom-coms (romantic-comedy) ‘di ba? Ang comedy, papunta na sa rom-com, cute. So I think naghahanap ang male audience ng for them naman and this is it. Ayun ‘yung brand ng comedy namin,” bungad ni Janno.
Matatandaang ang aktor din ang nagbida sa pelikulang Pedro Penduko na naipalabas noong 1994 at 2000. Posible kayang makabilang muli si Janno sa bagong Pedro Penduko na gagawin ng Viva Films?
“I’m not sure. Hindi ko alam kung magka-cameo ako do’n sa bagong Pedro Penduko. Okay lang, of course. Iba na ang generation ngayon. They deserve their own Pedro Penduko. Okay naman sa ‘kin. I think nag-e-evolve pa siya. I think nag-back out na si James (Reid) because of injury. So iba na yata ang gagawa. Honestly puwede pa rin naman akong gumawa no’n after may gumawa na bata ng Pedro Penduko. Actually pwede pa akong gumawa ng sarili ko. Parang ‘yung Wolverine, si Logan ‘di ba? Bumalik siya ulit na matanda na siya. I can still do that,” paglalahad ng aktor.
Aminado si Janno na talagang nakipag-meeting siya sa pamunuan ng Viva upang gampanan muli ang nasabing iconic character. “Nag-present din ako in all honesty. Ang direktor ko no’n, si Erik Matti. Nag-present ulit kami ni direk sa Viva kaya lang meron nang naka-ready ang Viva na ibang Pedro Penduko,” pagtatapat ni Janno. (Reports from JCC)
- Latest