Ex-WWE wrestler 'The Rock' kasal na sa long-term jowa
MANILA, Philippines — Pormal nang lumagay sa tahimik ang dating World Wrestling Entertainment champion na si Dwayne "The Rock" Johnson kasama ang kanyang girlfriend na si Laura Hashian.
Bagama't nitong Biyernes (Sabado sa Pilipinas) pa siya ikinasal, inanunsyo lang ito ng "most electrifying man in sports entertainment" sa mundo kahapon.
"We do. Hawaii. Pomaika’i (blessed)," sabi niya sa kanyang Instagram account na merong 154 milyong followers.
Ginanap ang seremonyas sa Hawaii nitong ika-18 ng Agosto.
Unang nagkakilala sina Dwayne at Laura habang fini-film ang kanyang pelikulang "The Game Plan" taong 2006 at nagsimulang makipag-date sa kanya noong 2008.
Bago makipag-isang-dibdib kay Laura, dati nang ikinasal ang 47-anyos na Samoan-African American wrestler kay Dany Garcia taong 1997.
Nakipagdiborsyo naman siya kay Garcia matapos ang sampung taon noong 2007.
May 18-anyos na anak sina Dwayne at Dany, si Simone Garcia Johnson.
Biniyayaan naman sila ni Hashian ng dalawang anak: sina Jasmine at Tiana.
Naging sentral si Johnson sa pagbulusok ng noo'y World Wrestling Federation papuntang mainstream mula dekada '90 (Attitude Era) hanggang sa pagpasok ng bagong milenyo.
Matapos ang karera sa squared circle, pinasok din ni The Rock ang larangan ng pag-arte at naging No. 2 sa listahan ng highest-paid actors noong 2018, ayon sa Forbes magazine.
Isa rin siya sa highest-grossing box office actor sa kasaysayan ng showbusiness.
Dati na rin siyang kinilala bilang "sexiest man alive" ng People Magazine noong 2016.
- Latest