Pelikula nina Bitoy at Dawn halos P3-M sa first day
As of presstime, may ilang figures kaming nakuha mula sa sources
namin na posibleng maka-P3-M daw ang kikitain ng pelikulang Family History nina Michael V. at Dawn Zulueta na nagsimulang mapanood sa mga sinehan kahapon.
Kung magustuhan daw ng mga tao at may word of mouth, puwedeng tumaas pa ito, kaya maganda na rin ito bilang first directorial job ni direk Bitoy at pagbabalik ng GMA Pictures.
Napanood namin ang pelikula sa premiere night nito nung nakaraang Martes ng gabi na ginanap sa Cinema 3 ng SM Megamall.
Maganda ang feedback at nakita nga namin ang sinasabing ‘tatak Michael V’.
Dramang-drama kasi ang kuwento at maraming mga nakakaiyak na eksena, pero ang style ni direk Bitoy, maiiyak ka na sana sa eksena pero mauudlot dahil matatawa ka na lang.
Dagdag pa rito ang magagaling nilang performance.
Ang pinaka-outstanding sa pelikulang ito ay si Dawn Zulueta na consistent talaga siyang magaling sa kabuuan ng pelikula.
Nagulat din kami sa BiGuel na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix na napakagaling din sa pelikulang ito.
Okay din si Michael V. na swak sa magagaling ding support na sina Paolo Contis, Kakai Bautista, Nonie Buencamino, John Estrada, at Ina Feleo.
“Sa nakikita ko, maganda ang reaction, positive naman. Ito ang magiging pondo ko sa paggawa muli,” pahayag ni Michael V.
“I guess, it’s the script talaga.
“Noong binasa ko ang script, I said, ‘It’s interesting. I’m curious, how will he pull this off?’ And you did,” sabi naman ni Dawn kay Michael V.
Sana lalo pang lumakas ito sa weekend lalo na pag marami ang pumuri sa pelikula.
Quantum Films nag-a-adjust kina Derek at Kris
Base sa mga text sa akin ni Atty. Joji Alonso, mukhang tuloy pa rin sina Kris Aquino at Derek Ramsay sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Quantum Films na (K)Ampon.
Sinisikap talaga nilang matuloy ang original cast nila na isinumite sa MMFF Executive Committee.
Kaya maga-adjust daw sila sa napaka-hectic na schedule ni Derek at sa kalagayan ng kalusugan ni Kris.
Text sa akin ni Atty. Joji Alonso; “We are working around Derek’s schedule kasi sobra talagang masikip.
“We are looking at moving one important location closer to the set of his soap so he won’t have to travel far and he can get enough sleep.”
Gusto naman kasi talaga ni Derek na gawin ang pelikula, pero kung di talaga kayanin sa schedule, naghahanap na sila ng posibleng ipalit.
Isa pala sa balak nilang kunin din ay si Dingdong Dantes, pero mas masikip din ang schedule nun lalo na kung sisimulan na nito ang Descendants of the Sun.
Ang isa raw sa inalok ay si Ian Veneracion, pero hindi rin pala pupuwede dahil may gagawin siyang pelikula sa Star Cinema.
Kaya sinisikap talagang hindi na mababago ang casting.
Pagdating naman kay Kris, pumayag na raw itong mag-shooting ng August. May balita kasing ayaw niyang magsimula ng naturang buwan dahil sa ‘ghost month’ daw. Napapayag na rin daw, pero may ilang araw lang daw ng August na hindi siya puwedeng mag-shoot.
Inaasahang maaayos daw nila, para hindi na sila mamroblema sa paghahanap ng papalit.
Bayani hindi napilit sa ‘mamatay kayong lahat’ comment ni Phillip
Kahit anong pilit kay Bayani Agbayani na magbigay ng reaksyon sa sinabi ni Phillip Salvador, talagang nakatikom ang bibig niya at iniiwasan niya itong pag-usapan.
Nasalubong namin siya kamakalawa lang sa birthday party ng kaibigan naming si Dody Arcaya ng Dickies Philippines, masayang-masaya lang siya dahil nanalo na naman siyang Best Comedy Actor mula sa Golden Dove Awards.
Naka-barong pa nga siya nang nasalubong namin dahil kagagaling lang daw niya ng naturang award giving-body.
Proud siyang ibinalita sa aming three years straight na raw siyang nanalo sa naturang kategorya dahil sa magaling niyang pagganap sa sitcom niyang Funny Ka Pare Ko.
Pero hiningan ko siya ng reaksyon sa matalas na pahayag ni Phillip nang in-interview ito sa red carpet nung nakaraang State of the Nation Address (SONA).
Ang daming nagalit sa sinabi ng aktor na “mamatay kayong lahat” sa mga bumabatikos sa ating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayaw akong sagutin ni Bayani.
“Basta masaya po ako. Nanalo uli ako sa Golden Dove,” nakangiting sagot sa akin ni Bayani.
Sinundan ko uli ng tanong kung ano ang reaksyon niyang naging negatibo ang dating sa mga tao ng pahayag na iyun ni Phillip, inulit lang niya ang sagot niya.
Magkakasama kasi sila nina Robin Padilla at Phillip na rumampa sa red carpet pero lumayo na si Bayani nang hinarang sila for interview.
Kapag usaping pulitika, iniiwasan niya talaga itong pag-usapan.
- Latest