3 pelikula ni Eddie Garcia ipalalabas sa Cinemalaya 2019 bilang tribute
MANILA, Philippines —Tatlong pelikulang kinabibilangan ng batikang aktor at direktor na si Eddie Garcia ang ipalalabas sa taunang Cinemalaya Film Festival bilang pagkilala sa kanyang makabuluhang kontribusyon sa independent cinema ng Pilipinas.
Muling ipalalabas ng Cinemalaya sa buong bansa ang "ML," "Rainbow’s Sunset" at "Hintayan ng Langit," na isa sa pinakahuling pelikulang ginananapan ni Garcia na pumanaw na noong ika-20 ng Hunyo.
Magtatagal ang pista mula ika-2 hanggang sa ika-11 ng Agosto.
“Another reason to be part of this year’s Cinemalaya is our tribute to Eddie Garcia, Cesar Hernando and Armida Siguion-Reyna,” wika ni Chris Millado, ang kasalukuyang direktor ng Cinemalaya at bise-presidente ng Cultural Center of the Philippines.
Kamakailan lamang, nanalo si Garcia sa Gawad Urian bilang pinakamahusay na aktor para sa kanyang pagganap bilang isang retiradong sundalo noong Martial Law na kinalaunan ay nagkaroon na Alzheimer’s disease.
Si Hernando naman ay isang batikang screenwriter, production designer, direktor at photographer na yumao noong ika-7 ng Mayo. Samantalang si Siguion-Reyna ay kilalang mang-aawit, aktres, prodyuser at television host na pumanaw noong ika-11 ng Pebrero.
Gaganapin ang pistang pelikula ngayong taon sa buong bansa katuwang ang Ayala Cinemas at Vista Malls sa Manila, Pampanga, Naga at Legaspi sa Bicol, Iloilo at Davao.
Mapapanood naman ang sampung mahabang pelikula at sampung maiikling pelikula sa CCP sa Pasay. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla
- Latest