Lalaking singer binusalan sa mga emote sa social media
Madalas nang napapanood ngayon sa isang musical variety ang isang magaling na male singer. Walang kuwestiyon ang talento niya sa pagkanta, marami talagang sumasaludo sa kanyang boses, pero nagkaroon ng personal na isyu sa produksiyon ang male singer, sa isang pinung-pinong paraan ay para siyang tinikis, maraming nagtatanong kung bakit hindi na siya regular na napapanood sa sikat na variety show.
Kuwento ng aming source, “Kasi, kapag meron siyang hindi gusto sa show, e, hindi siya nakikipag-usap sa mga staff. Puwede niya namang ilabas ang mga sama niya ng loob sa mga namamahala ng show, pero hindi niya ‘yun ginagawa.
“Ang sumbungan niya, e, social media. Du’n siya naglalabas ng mga emosyon niya, nagpapahaging siya sa production, e, puwede niya namang sabihin ‘yun nang diretso sa mga katrabaho niya?
“Marami siyang reklamo nu’n. Kapag isang kanta lang ang na-assign sa kanya at mas marami ang kakantahin ng ibang mga co-singers niya, e, sumasama ang loob niya.
“Ang feeling niya nga kasi, e, ang galing-galing niya, world class ang datingan niya, pero bakit siya nililimitahan sa talent niya?
“Parang ang gusto niya, e, palagi siyang kasali sa mga production numbers, ‘yung halos wala na siyang pahinga, ayaw na ayaw niya na isa lang ang kakantahin niya sa entire show,” impormasyon ng aming source.
May laban ba naman ang mga katulad niya sa produksiyon? Kapag nagdesisyon ang mga nagpapatakbo ng show na huwag muna siyang kumanta sa show ay wala siyang magagawa.
Sabi uli ng aming impormante, “Okey na sila ngayon, seryoso na silang nagkausap ng production staff. Alam na niya na hindi na siya basta-basta puwedeng mag-post ng mga bagay-bagay na ayaw niya.
“Kausapin niya nang direkta ang staff para magkalinawan sila, hindi ‘yung agad na siyang magsumbong sa social media! Magpapatutsada na siya agad!
“Abot mo man ang pinakamataas na nota, maganda man ang boses mo, e, attitude pa rin ang pinakamahalaga. Madalas na siyang napapanood ngayon sa variety show, nakikipagbiritan na siya nang walang humpay sa mga kasamahan niya!
“At wala na siyang mga hanash ngayon sa social media, bawal na ‘yun, makipag-usap na lang siya sa mga bossing kung may mga reklamo siya!” pagtatapos ng aming impormante!
Ubos!
Mga hurado ng TNT pinaboran daw ang anak ni Rico Puno
Napanood namin si Rox Puno sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime. Dahil Father’s Day kinabukasan, ang akala nami’y espesyal ang labanan na ‘yun para sa mga anak ng sikat na singers, pero hindi pala.
Contestant pala si Rox, isa sa mga anak ng namayapang si Rico J. Puno, nagbabanda na si Rox nu’n pa. Manang-mana siya sa kanyang pinagmanahan.
Pasable ang unang kanta ni Rox kahit pa ramdam mo bilang nanonood na hirap siyang abutin ang matataas na tono. Masasabi mo na lang sa iyong sarili na mas magaling pa rin ang teacher kesa sa kanyang estudyante.
Naging daily winner si Rox. Okey lang, puwede na, dahil wala namang flats at sharps na minarkahan ang mga hurado. Si Rey Valera ang punong-hurado, kasama ang mga singers na sina Ogie Alcasid, Jaya, Randy Santiago at Jed Madela.
Sa ikalawa niyang pagkanta ay okey pa rin naman si Rox Puno, maganda ang kanyang falcetto, natapos niya ang piyesa nang maayos at walang marka ng pagiging sintunado.
Pero nang kumanta na ang defending champion na si Justine Narvios ay ikaw na mismong nakatutok ang magsasabi, hindi ubra ang talento ni Rox Puno sa husay ng dalaga, napakakinis at napakasuwabe ng boses nito sa pagkatataas na nota.
Naisip namin, tatalunin ni Justine si Rox, cool na cool ang defending champion kumpara sa nanggagalaiting umabot ng nota na si Rox.
Pero sumpa ng mga sumpa, si Rox Puno ang nanalo, anyare, sabi nga ng mga kaibigan naming nakatutok din sa TNT, bakit ang anak ni Rico J. Puno ang pinanalo ng mga hurado?
Bina-bash ngayon ang mga hurado ng TNT, pinagpapaliwanag sila kung bakit naligwak si Justine Narvios, ganu’ng malakas na kalahok ito hanggang sa pinakadulo ng labanan?
Hindi raw naging parehas ang mga hurado dahil anak ni Rico J. Puno si Rox. Kaibigan nila at kasamahan sa industriya ng musika nu’ng nabubuhay pa.
‘Yun din ang aming naramdaman.
- Latest