Anita pararangalan para sa Sandaan
Bilang bahagi ng pagdiriwang sa Sandaan: Ika-Isang Daang Taon ng Philippine Cinema at Mother’s Day, paparangalan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang mga ambag ng veteran actress na si Anita Linda sa Philippine cinema sa “Sandaan: Dunong ng Isang Ina” na gaganapin sa Hunyo 16, 2019 ng 2:30 PM sa Cinematheque Centre Manila.
Bibigyan siya ng achievement award para sa mga kontribusyon niya bilang isang artista at mentor sa film industry. Tampok din sa Cinematheque ang “The Life of Anita Linda: An Exhibit” na magtatanghal ng iba’t ibang yugto sa buhay ni Anita Linda bilang artista, kabilang na rito ang tanyag niyang mga pelikula at role, pati na rin ang memorabilia na kaugnay sa kanyang buhay at career.
“Anita Linda is truly a legend in the industry, and she has helped mold Philippine cinema through her contributions over the decades. She has been gifting us with her brilliant acting performances and has been serving as a pillar for generations,” sabi ni FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño.
Gumawa ng sariling pangalan si Anita Linda, o Alice Lake, sa ebolusyon niya mula sa pagiging romantic lead noong kabataan niya hanggang sa pagganap niya sa maternal o elderly roles na umani ng critical acclaim. Lumabas din siya sa iba’t ibang Filipino films, gaya ng Presa ni Adolfo Alix, Jr. Sisa at Ang Sawa sa Lumang Simboryo ni Gerardo de Leon, at Lola ni Brillante Mendoza.
Sa edad na 94, si Anita Linda ang itinuturing na pinakamatandang active actress sa local film industry. Kamakailan lamang, ang pinagbidahan niyang pelikulang Circa ni Adolf Alix, Jr. ay nanalo ng White Light Post-Production Award sa Hong Kong-Asia Film Financing Film Forum (HAF) noong Marso 2019.
Noong 2017, pinangalanan ng FDCP si Lily Monteverde bilang Ina ng Pelikulang Pilipino” para sa kanyang commitment at impact sa Philippine movie industry sa loob ng maraming taon. Samantala, si Maria Azucena Vera-Perez Maceda, o mas kilala bilang “Manay Ichu,” ay pinarangalan naman para sa kanyang kontribusyon sa film industry sa event na “A Spotlight on Mothers of Philippine Cinema” na ginanap noong 2018.
- Latest