Dating ABS-CBN executive, producer kinasuhan ng sexual harassment
MANILA, Philippines — Na-indict na sa korte ang dating executive at segment producer ng isang dambuhalang istasyon ng telebisyon dahil sa reklamong sexual harassment ng isang reporter.
Ito'y kaugnay ng reklamong inihain ni ABS-CBN showbiz reporter Gretchen Fullido laban sa dating TV Patrol supervising producer na si Cheryl Favila at segment producer na si Maricar Asprec.
Pormal nang na-charge sa paglabag ng Republic Act 7877 (Anti-Sexual Harassment Act) ang dalawa sa Quezon City metropolitan trial court nitong ika-28 ng Mayo.
Sa resolusyong nakuha mula sa Department of Justice kahapon, sinabi ng Quezon City prosecutor's office na nakitaan nila ng "probable cause" ang reklamong isinampa ni Fullido noong 2018.
Sinabi ni investigating assistant city prosecutor Rosalinda Sajot na meron siyang otoridad at "ascendancy" sa kanilang opisina bilang ecosystem head ng kanilang integrated news department noong 2015 hanggang 2017, panahon kung kailan humingi raw siya ng mga sekswal na pabor mula sa complainant.
Ayon sa prosecutor, may "double meaning" at "sexual undertones" daw ang mga mensaheng ipinadala ni Favila kay Fullido.
"The messages sent by Favila to Fullido contain flirtatious playful text messages. Her flirtatious dealings with Fullido were inappropriate as she was the latter’s supervisor, compromising their professional relationship," wika ng resolusyon.
(Naglalaman ng malalandi at mapaglarong mensahe ang ipinadalang text ni Favila kay Fullido. Hindi angkop ang kanyang gawi daw siya ang kanyang supervisor, dahilan para mabahiran ang propesyunal nilang ugnayan.)
Kahit na isinantabi ng istasyon ang kasong sexual harassment, dinismiss ng ABS-CBN si Favila noong Abril 2018 matapos mapatunayan ang kanyang paglabag sa Code of Conduct ng kumpanya at Labor Code.
Damay din si Asprec dahil "nakipagsabwatan" daw siya kay Favila sa pagsasagawa ng diumano'y kahalayan.
Dagdag pa ng prosecutor, nakaranas daw ng "hostile working environment" si Fullido nang tanggihan niya ang pinagagawa ng kanyang inireklamo.
Sa parehong resolusyon, ibinasura naman ang counter-charges na libel at perjury nina Favila at Asprec laban kay Fullido dahil sa kakulangan ng probable cause. — James Relativo at may mga ulat mula kay Edu Punay
- Latest