AiAi at Martin gaganap na mag-ina
MANILA, Philippines — Sakripisyo ng isang ina ang tutunghayan natin ngayong Sabado sa Magpakailanman.
Dahil hindi sapat ang kinikita ni Diony, kinailangang tumulong ni Beng sa paghahanap-buhay. Mula pa man noon ay magkatuwang na silang mag-asawa sa pagtataguyod sa kanilang tatlong anak. Ang panganay nilang anak na si Rotski naman ay nakitaan na ni Beng ng kasipagan sa pagdiskarte sa buhay mula noong bata pa lang siya. Nagtitinda si Beng ng kahit anong pwede niyang pagkakitaan may maidagdag lang siyang pera para sa pag-aaral at pangangailangan ng kanyang mga anak.
Nagpatuloy ang pagpupursigi ng bawat miyembro ng pamilya sa pagkayod pero hindi nagtagal ay nalugi ang negosyo ni Diony na repair shop. Na-depress si Diony at pakiramdam niya ay wala na siyang silbi sa kanilang pamilya. Hanggang sa maging talamak na siya sa alak. Pilit namang ibinangon ni Beng si Diony at pinadama ang suporta sa asawa.
Nag-offer si Rotski na tulungan ang ama at magtayo nalang ng ibang negosyo pero nagalit si Diony kay Rotski. Nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama dahil sa gustong mangyari ni Rotski.
Paano nga kaya maaayos ni Beng ang mga problemang hinaharap ng kanyang pamilya.
Ang isa na namang especial na pagtatanghal na ito ng Magpakailanman ay pinagtatampukan nila AiAi Delas Alas-Sibayan bilang Beng, Martin Del Rosario, bilang si Rotski, Rey Pj Abellana bilang Diony, Marc Justine Alvarez bilang Young Rotski, Liezel Lopez bilang Clarisse, Jenzel Angeles bilang Des, Jayla Villaruel bilang Denden, Rein Adriano bilang Young Des, at Princess Aguilar bilang Young Denden.
Sa mahusay na direksyon ni Rechie Del Carmen, pananaliksik ni Stanley Bryce Pabilona at panulat ni Loi Argel Nova.
- Latest