'StarStruck' winner Migo Adecer arestado dahil sa hit-and-run
MANILA, Philippines — Nasukol ng mga otoridad ang "StarStruck" Season 6 Male Survivor na si Migo Adecer matapos diumano makabangga ng dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority, Martes ng gabi.
Sa panayam ng ABS-CBN, sinabi ni police Major Gideon Ines, assistant chief of police for operations ng Makati City, na nabangga ng 19-anyos na Kapuso star ang mga biktimang nakasakay sa motor habang nagmamaneho sa Barangay Poblacion.
Imbis na tulungan ang mga biktimang nabundol, tinakbuan daw sila ni Adecer.
Tinukoy naman ang dalawang MMDA employees bilang sina Rogelio Formelos Castillano at Michelle Gallova Papin.
Itinakbo naman daw ng mga nakasaksi ang dalawa sa malapit na ospital habang hinahabol ng traffic enforcers ang aktor.
Nagtangka pa raw tumakas ang aktor ngunit naatrasan ang police mobile, dahilan para maipit nang pulis.
"Inipit namin 'yung kanyang sasakyan doon sa harapan kaya hindi na siya makaabante... Inatras niya ngayon 'yung kanyang sasakyan... at nabangga nga niya itong nakaharang din na isang sasakyan na isang nasa likod na mobile car din namin," ayon kay S/Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police.
Tumanggi pa raw ibigay ng aktor ang kanyang lisensya.
Pero depensa ng kampo ni Adecer, hindi niya alam na may nabangga na pala siya.
"Ang intial statement niya sa akin is, hindi niya daw alam na meron siyang na-side swipe. Otherwise, ang sabi niya sa akin, kung alam niyang may nasanggi, he would stop," sabi ni Atty. Marie Glen Abrahan-Garduque, abogado ni Adecer.
Sa tantiya ng mga pulis, lasing si Adecer nang mahuli.
"Halatang-halata mo na lango siya sa alak dahil kinakausap namin, wala siya sa sarili. Nagsisigaw-sigaw," ani Simon.
Haharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries, damage to government property at disobedience to persons in authority.
Handa naman daw tumulong ang suspek sa pagpapagamot ng dalawa matapos mapilayan sa balikat at magtamo ng mga gasgas sa katawan.
Pekeng driver's license?
Samantala, pinag-aaralan naman ng pulisiya kung peke ang ibinigay niyang lisensya nang mahuli.
Alas singko kasi kahapon bago makabangga, natiketan na raw siya sa Rockwell dahil sa "reckless driving."
Isinuko niya noon ang kanyang lisensya kung kaya't laking pagtataka ng mga otoridad nang may maibigay uli siyang lisensya kinagabihan.
- Latest