Kyline pinagdududahan kung makakaya ang akting ni Therese!
Dapat kabahan si Kyline Alcantara dahil kasama niya si Therese Malvar sa bagong serye ng GMA-7 na Inagaw Na Bituin. Alam naman ng lahat kung gaano kagaling si Therese na sa murang gulang at sa mga unang pagsabak sa pag-aartista ay agad nanalo ng acting awards.
‘Di ba sila nababahala na napakalaking pressure ang ipinagkaloob sa kanila sa pagbibigay sa kanila ng mga titulong Nora Aunor at Vilma Santos ng makabagong henerasyon? Malaking bigat ito sa balikat lalo na kay Kyline na mas nakakabago kaysa kay Therese. Mas malaking effort ang kinakailangan niyang ibigay para maging worthy of her new title, maging si Nora man siya o si Vilma.
Naniniwala si Kyline na wala silang magiging rivalry ni Therese. “Magkasama naming ilalagay sa tagumpay ang aming show,” pangako ni Kyline.
Robin first time sasabak sa iyakan
Ipapakita ni Robin Padilla sa kanyang pagganap sa biopic ni Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang isang kahinaan nito na pinayagan nitong maipakita sa pelikula.
Ito ang kanyang pagiging isang karaniwang tao na umiiyak. First time ni Robin na sasabak sa isang crying scene. Bukod sa eksenang ito, makikita sa pelikula ang passion ng isang lalaki in fighting for what he believes is good. Maraming mapi-feel good sa mga pakikipagsapalaran ng isang pulis to fight for the oppressed.
BakClash ng EB naghahanap ng katulad ni Vice Ganda!
Maganda ‘yung contest para sa mga bakla ng Eat Bulaga na BakClash. Dito, hindi beauty o intelligence ang kanilang ipinamamalas kung hindi ang kanilang kagalingan sa pagkanta.
Panahon na para makahanap ng isang baklang magaling kumanta bukod pa kay Vice Ganda, ‘yung mga hindi nagpi-perform sa mga sing along at gay bars bagaman at marami sa mga Backlashers ay dito nagmumula at nagtatrabaho.
Magandang makita ‘yung mga kabaklaan na kumakanta, hindi gamit ang boses nilang babae kung hindi ang talagang boses lalaki nila, at nakadamit lalaki pa.
Dapat papurihan ang lakas ng loob nilang ipamalas ang maganda nilang voice in their original form.
- Latest