Chris Brown laya na matapos pagbintangan ng rape
MANILA, Philippines — Pinakawalan nang walang kaso ang American R&B star na si Chris Brown noong Martes matapos arestuhin dahil sa reklamong panghahalay sa Paris, ayon sa prosecutor's office.
Inakusahan kamakailan ng 25-anyos na dalaga si Brown, kasama ang kanyang gwardya't kaibigan, ng pang-aabuso sa Mandarin Oriental Hotel.
Hinuli ang Grammy Award-winning singer noong Lunes matapos iugnay sa droga at aggravated rape.
Nagbanta naman ng defamation lawsuit ang abogado ni Brown na si Raphael Chiche, na sinabing inosente ang kanyang kliyente.
Sinabi ng biktima sa mga pulis na nakilala niya si Brown sa isang nightclub malapit sa Champs-Elysees Avenue kasama ang ibang kababaihan.
Pumayag naman daw ang babae na sumama sa isang hotel sa kahabaan ng Rue du Faubourg Saint-Honore.
Namataan si Brown noong isang linggo sa kabisera ng France habang dumadalo sa mga kaganapan ng Men's Fashion Week.
Sa kanyang Instagram account, pinasinungalingan ng mang-aawit ang mga bintang matapos magpaskil ng mga katagang: "This B!tch lyin'."
"I WANNA MAKE IT PERFECTLY CLEAR...... THIS IS FALSE AND A WHOLE LOT OF CAP! NNNNNNNNEEEEEEEEEEVVVVVVVVVVEEEEEERRRRRR!!!!!! FOR MY DAUGHTER AND MY FAMILY THIS IS SO DISPRESPECTFUL AND IS AGAINST MY CHARACTER AND MORALS!!!!!" sabi ni Brown sa kanyang caption.
Mga nakaraang paglabag sa batas
Nauna na siyang ma-convict noong 2009 matapos bugbugin ang singer na si Rihanna, dati niyang kasintahan, na napilitang hindi makapunta ng Grammy Awards dahil sa mga pinsalang natamo.
Nasintensyahan ng limang taong probation si Brown at anim na buwang community service dahil sa assault.
Dati nang naghain ng guilty plea si Brown noong 2014 dahil sa pananakit ng fan sa Washington at inakusahan din ng karahasan ng isang babae sa Las Vegas.
Inaresto naman siya matapos ang dalawang taon at kinasuhan ng "assault with a deadly weapon" matapos maka-engkwentro ang Los Angeles police officers.
Hinabla rin siya noong Mayo ng isang babae matapos diumanong paulit-ulit halayin sa isang party noong 2017 sa bahay ng singer sa Los Angeles.
Nakilala si Brown sa mga hits na "Kiss, Kiss" at "Run It" noong kalagitnaan ng 2000s at nakapaglabas ng walong studio albums. Anim dito ang naging platinum matapos bumenta ng isang milyon.
Nawala sa eksena si Brown matapos ang isyu kay Rihanna ngunit bumalik noong 2011 nang i-release ang album na F.A.M.E., na naging numero uno sa US charts sa debut nito.
Pinasok din niya ang pag-arte, kabilang ang teen drama na "The OC."
Lumabas sa imbestigasyon ng Billboard noong 2017 na lulong sa cocaine at prescription medication ang mang-aawit.
- Latest