Aktor na si Kevin Spacey, kakasuhan ng sexual assault
MANILA, Philippines — Haharap sa reklamong sexual assault ng isang teenager noong 2016 ang Oscar award-winning actor na si Kevin Spacey.
Ayon sa district attorney ng Cape and Islands, Mass., nakatakdang isakdal si Spacey sa Enero sa kasong "indecent assault and battery."
Hindi pinangalanan ng mga prosecutor ang biktima pero ibinahagi ng dating television news anchor na si Heather Unruh na iniimbetigahan na ng mga pulis ang bida ng palabas na "House of Cards."
Aniya, nilasing ni Spacey ang noo'y 18-anyos niyang anak na lalaki bago paghihipuan.
Nakatakas naman daw ang biktima noong pumunta ng banyo ang akusado sabi ni Unruh.
Hindi unang kaso
Itinuturo rin ang aktor na nasa likod ng dose-dosenang alegasyon ng sexual misconduct sa ilang kalalakihan mula sa Estados Unidos at Britanya.
Una na rito ay ang kanyang diumano'y pang-aabuso sa aktor na si Anthony Rapp noong siya'y 14-anyos pa lang noong 1986.
Maaalalang tinanggal si Spacey sa Netflix political series na "House of Cards" matapos magpatong-patong ang mga reklamo sa kanya.
Pagbasag sa katahimikan?
Sa gitna ng panibagong reklamo, nagpaskil ng video si Spacey habang "in-character" bilang Frank Underwood sa kanyang Netflix show.
Animo'y sinasagot ng aktor sa tatlong minutong video ang kanyang pagkakatanggal sa palabas.
"Of course, some believed everything and have been just waiting with baited breath to hear me confess it all. They're just dying to have me declare that everything said is true and that I got what I deserved," sambit ng akusado.
Ito ang una niyang pagtatanghal matapos manahimik kaugnay ng mga kaso.
- Latest