Rainbow and Puliscredibles pantay ang rating
Ang pelikulang Jack Em Popoy The Puliscredibles at Rainbow’s Sunset ang binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
Naka-Grade B naman ang Aurora, One Great Love, Mary, Marry Me, Fantastica, at The Girl In The Orange Dress.
Ang unang nabalitaan namin, hindi na raw ipapa-review sa CEB ang Otlum. Pero nang tinanong namin si direk Joven Tan, nagbago na raw ang isip nila at magpapa-schedule na raw sila for review.
Kampante naman si direk Joven na mabibigyan sila ng magandang grade ng CEB, at proud naman siya sa pelikula nila nina Ricci Rivero, Jerome Ponce at John Estrada.
Medyo na-pressure naman daw si direk Joel Lamangan nang nalaman niyang ang pelikula niyang Rainbow’s Sunset at Jack Em Popoy lang ang nabigyan ng Grade A.
“Medyo napi-pressure rin. I hope they will like it,” nakangiting pahayag ni direk Joel.
Kakaibang family movie nga ang Rainbow’s Sunset, pero ang sobrang napuri namin sa pelikulang ito ay ang magagaling na acting ng mga artista ni direk Joel.
Pinakagusto namin sa lahat si Gloria Romero, at okay din sina Eddie Garcia, Sunshine Dizon at Tirso Cruz III. Kahit nga si Sue Prado, napakagaling din. Kaya posibleng hahakot sa acting awards ang pelikulang ito.
Hindi pa naman namin napanood ang iba pang entries, kaya abangan natin kung anong entry ang aariba nang husto sa awards night na gaganapin sa The Theatre Solaire sa December 27.
Marco sanay na nasa kulungan ng ama
Babawi raw si Marco Gumabao sa kanyang amang si Dennis Roldan dahil hindi siya makakasama sa kanyang pamilya para mag-Pasko sa kulungan.
In-allow lang daw silang mag-Pasko sa December 23, kaya lang kasabay
iyun ng parada ng MMFF na kung saan ka-join siyempre sa float ng Aurora.
Gusto naman ni Marco na magbigay ng sapat na oras para sa kanyang ama na mag-apat na Pasko nang nasa kulungan. Limitado pa raw ang pagdalaw nila dahil sa dalawang araw lang ang binibigay sa kanila.
“We’re only Thursdays and Sundays eh. Last week birthday niya, andun kami,” pakli ni Marco.
“Mahirap din, pero medyo nasanay naman kami, kasi yung Mom ko naman masipag mag-visit, and yung kuya ko kasi malapit nakatira sa kanya. Kaya yung kuya ko mismo ang dumadalaw sa kanya, and my Tita Isabel (Rivas) also,” dagdag niyang pahayag.
Naikuwento rin ni Marco na sinusubaybayan daw siya ng Papa niya sa Los Bastardos, at proud naman daw sa kanya ang kanyang ama.
“Sobrang happy si Papa. He’s really happy.
“Natutuwa siya na ang laki na raw ng improvement ko sa acting from before.
“Hearing it from him, nakakatuwa lang dahil, you know, you have your dad’s support,” saad ni Marco.
Sayang nga at hindi pa mapapanood ni Dennis ang Aurora. Proud si Marco sa pelikulang ito na talagang challenge raw sa kanya ang role na ginampanan.
Iniba raw ang itsura niya sa pelikulang ito, na pinaitim siya ng konti, inayos na mukhang cachupoy ang hair para magmukha siyang kawawa.
Kinunan sa mga dagat sa Batanes ang pelikulang ito na isa sa mga official entry sa MMFF.
Kagabi nagpa-premiere night ang Aurora na ginanap sa Cinema 1 sa SM Megamall, at pinuri ang pelikulang ito dahil maganda ang visual storytelling ni direk Yam Laranas.
Welcome dinner nina Iza at Ben, mala-Barrio Fiesta ang tema
Kahapon, December 19 ng hapon ang kasal nina Iza Calzado at Ben Wintle na dinaluhan ng pamilya at malalapit na kaibigan.
Ilan sa mga maagang dumating sa Busuanga, Palawan na pinagdausan ng wedding ay sina Dra. Vickie Belo at Dr. Hayden Kho kasama ang anak nilang si Scarlet Snow Belo na isa sa mga flower girls.
Kumpleto na rin doon ang mga close friends ni Iza na mga Sang’gre na sina Sunshine Dizon, Karylle at Diana Zubiri na kasama sa entourage.
Sayang at wala roon ang mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos na kabilang sa mga Guide Parents. Naka-schedule pala silang mag-Amerika kasama ang mga anak, at naintindihan naman ito ng bagong kasal.
Mga Guide Parents din sina Cong. Lucy Torres-Gomez at ang manager ni Iza na si Noel Ferrer.
Masaya raw ang kanilang welcome dinner kamakalawa ng gabi na mala-Barrio Fiesta raw ang theme.
Na-challenge raw sumayaw ng Tinikling sina Ben at Iza bilang tribute nila sa namayapang ama ni Iza na si Tito Lito Calzado, na dating miyembro ng Bayanihan Dancers.
Kahapon lang daw dumating doon si Ogie Alcasid.
- Latest