^

PSN Showbiz

Kontrabidang aktres laging kontra sa panahon ang OOTD

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Maraming naaaliw sa kakaibang karakter ng isang pamosong female personality. Kakaiba siya, sabi ng kanyang mga katrabaho, may sarili siyang mundo.

Pero hindi naman ‘yun nakaaapekto sa trabaho niya dahil very professional ang character actress. Nauuna pa nga siyang dumating sa generator ng produksiyon, palagi lang siyang take one kaya hindi siya nagiging cause of delay, kaya hindi siya naghahatid ng problema sa set.

Kuwento ng aming source, “Rock na rock ang babaeng ‘yun! Kung titingnan mo lang siya, e, parang napakamaldita niya, parang lalamunin ka niya nang buhay, pero mabait siya.

“Marunong siyang makisama, kinakausap niya ang mga cameramen, pati ang mga utility, mahal siya. Ganu’n dapat ang artista, mayaman sa PR, walang pinipiling pakisamahan.

“Mukhang suplada lang talaga siya dahil sa itsura niya, saka dahil na rin sa mga roles na ginagampanan niya, pero sa totoong buhay, mabait siya,” papuri ng aming impormante sa character actress.

Kailangan mo lang daw sakyan ang trip ng magaling na kontrabidang aktres, huwag mo lang siyang kokontrahin, dahil hindi rin naman siya nakikialam sa buhay ng kahit sino.

“Napakalakas ng bagyo, naka-jacket ang lahat sa location, giniginaw, pero nu’ng dumating ang girl, e, natulala at nagulat ang lahat ng mga dinatnan niya.

“Paano naman, kontra sa panahon ang outfit ng lola n’yo! Naka-sando lang siya at shorts, ‘yun daw ang gusto niyang isuot, bakit ba? E, ano ngayon kung giniginaw na ang mga katrabaho niya, basta siya, e, sando at shorts lang ang type niyang isuot!

“Nu’ng minsan naman, e, paypayan na nang paypayan ang lahat sa set dahil napakaalinsangan. Nangangagat ang init ng araw, init na init ang lahat, gusto na nilang magbabad sa drum.

“Biglang dumating ang lola n’yo na naka-leather jacket at pantalon. Hitsurang nasa lugar siyang may snow, kaya kailangan niyang magsuot ng ganu’n!

“E, sa ‘yun daw ang gusto niyang isuot, may problema ba? Palagi siyang kontra sa weather, kung ano ang dapat isuot, hindi niya ginagawa ‘yun. Basta, darating siya sa OOTD na gusto niya, walang pakialaman!

“Kaya aliw na aliw ang mga katrabaho niya sa magaling na kontrabidang ‘yun! Siya lang ang ganu’n! Original siya, hindi siya copycat!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Daig pa ang totoong superstar, komedyanteng si Teri Onor nagpaulan ng mura sa organizer ng show

Papangalanan na namin ngayon ang komedyanteng gumawa ng ekena sa isang pormal na pagtitipon. Siya ang stand-up comedian na nasaksihan ng aming mga impormante habang tinatalak-talakan at dinuduru-duro ang isang namamahala sa show.

Mura siya nang mura, nagwawala siya, talagang ipinahiya niya ang kausap niyang pinagrereklamuhan niya kung bakit hindi nagrenta ng magandang sound system ang mga nang-imbita sa kanya para mag-perform.

Si Teri Onor ang komedyante, isa sa mga impersonator ng Superstar, na board member din sa kanyang distrito sa Bataan.

Dahil sa kanilang stage play na Velma At Nura ay inimbitahan sila ni DJ Onse sa pagtitipon ng mga guro at matataas na opisyal ng iba’t ibang paaralan na karamihan ay mga pari at madre.

Nagreklamo si Teri Onor, bakit PA system lang daw ng hotel ang ipagagamit sa kanila ni DJ Onse, bakit daw hindi nag-rent ng magandang technical rider ang mga namamahala ng show?

Sa halip na intindihin niya ang paliwanag ng kanyang kausap ay nagdabog siya, nagpapadyak, mura nang mura, hanggang sa dinuro-duro na niya ang kanyang kaharap na isa palang academician. Kagalang-galang na opisyal pala ang kanyang pinagduduro, umaalingawngaw ang kanyang boses, punyeta siya nang punyeta at puro PI ang lumalabas sa kanyang bibig.

Nataon ang kagaspangan ng ugali ni Teri Onor sa isyu ng pagmamalabis ng mga opisyal ng gobyerno. Lihis sa kanyang posisyon bilang Bokal ng kanilang probinsiya ang ipinamalas ng komedyante.

Baka ang feeling ni Teri Onor ay siya na mismo si Nora Aunor, ang ginagaya-gaya niyang aktres, kaya ganu’n na lang siyang magpalutang ng hindi kagandahang ugali.

Pahayag pa ng aming source, “I will never forget the rudeness of Teri Onor that night. Nagso-sorry na ang kausap niya dahil hindi nasunod ang gusto niyang sound system na hindi niya naman ini-request, pero mura pa rin siya nang mura!”

Ganu’n na ganu’n.

TERI ONOR

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with